By GLEN P. SIBONGA
NILINAW ni Matt Evans na freelancer siya ngayon at kahit saang TV network ay pwede siyang magtrabaho. Nasa GMA-7 kasi ang kanyang manager na si Rams David kaya sa Kapuso network muna siya gumagawa ng mga proyekto ngayon. Wala pa naman daw siyang kontrata sa GMA kaya posible pa ring makagawa siya ulit ng proyekto sa dati niyang home network na ABS-CBN. “The Greatest Love” ang huling teleserye na ginawa ni Matt sa Kapamilya network.
“Freelance naman ako, siguro for now sa GMA muna. Tapos pag naging okay-okay or kung meron sigurong offer sa ABS, baka pwede rin nilang i-weigh. At saka galing din naman ako sa ABS, so gusto ko munang i-try din sa GMA. Maganda rin po ‘yun sa isang artista na nakakatawid ng networks. At least ‘yung range ng trabaho mo mas marami,” sabi ni Matt.
Dahil nasa GMA siya ngayon, sino sa mga Kapuso ang gusto pa niyang makatrabaho? “Naku, madami pa po. Actually, ‘yung mga prime artist po ng GMA hindi ko pa nakakatrabaho.”
Pero nangunguna raw sa listahan niya ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. “Opo naman, wish ko talaga iyon, gustung-gusto ko siyang makatrabaho. At saka parang gusto ko ring mag-guest sa ‘Super Ma’am,’ parang ang sarap ding maging villain doon.”
Nag-meet na ba sila ni Marian? “Opo, dati pa sa out of town shows. Pero ngayon na nasa same management kami, hindi pa. Busy kasi siya e.”
Ano ang impression niya kay Marian? “Mabait at saka sobrang ganda.”
Nakausap naming si Matt sa meet and greet nila ng kapwa niya BeauteDerm ambassador na si Yayo Aguila para sa grand store opening ng Beaute Hub by BeauteDerm noong Oct. 18 sa Maligaya 168 Shopping Center, Dolores, San Fernando, Pampanga.