Dalawang taon na lang at forty years na sa showbiz ang veteran actor na si Juan Rodrigo.
Nagsimula ito bilang isang modelo, singer, theater actor bago nito Pinasok ang paggawa ng pelikula in 1979.
Since then ay never daw tumigil sa pag-arte si JR at natutuwa ito’t nakakatrabaho pa niya ang mga bagong henerasyon ng mga artista ngayon.
“I consider myself lucky kasi almost four decades napala ako sa showbiz and I’ve worked with almost everybody in this business.
“When it comes to movies, halos lahat ng directors ay nakatrabaho especially ‘yung mga namaalam na Tulad nila Lino Brocka, Ishmael Bernal, Marilou Diaz-Abaya, Gil Portes, Danny Zialcita, Celso Ad Castillo, Eddie Rodriguez, Leroy Salvador, Emmanuel Borlaza, Willie Milan and Mario O’Hara.
“Sa nandito pa, I’ve worked with Mike de Leon, Eddie Garcia, Maryo J. delos Reyes, Elwood Perez and Butch Perez. Ang hindi ko lang nakakatrabaho pa in any movie or TV is Laurice Guillen.
“Hopefully, bago ako umabot sa 40th anniversary ko sa showbiz, maidirek naman ako ni Direk Laurice,” ngiti pa ni JR.
Inamin din ng 56-year old actor na may mga experiences din siya sa mga baguhan na ‘di marunong bumati sa mga tulad nilang beterano na sa showbiz.
“Marami na akong na-experience na ganyan.
“I guess, di nila alam ang protocol sa trabahong ito. Dapat may nagtuturo sa kanila ng tinatawag na common courtesy.
“Pero ‘yung iba naman, nahihiya ring bumati, lalo na ‘yung mga bata nakakapasok lang sa showbiz.
“Noong araw din kasi, ganyan ako. Hindi ako bumabati kasi napakamahiyain ko.
“May nagsabi sa akin na matuto naman akong mag-good morning sa mga kasamahan ko, lalo na ang mga mas nakakatanda sa akin.
“Since then, ‘yun na ang ginagawa ko.”
Kasama si JR sa bagong monthly show ng GMA-7 na Stories For The Soul. Gaganap siyang ama nila Martin del Rosario at Jeric Gonzales sa episode na “The Prodigal Son”.