by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Malapit na ang araw ng patay at matagal na akong hindi nakakadalaw sa mga namatay kong mga magulang na nakalibing sa probinsiya.
Busy po kasi ako sa trabaho kaya hindi ako nakakauwi at nadadalaw sila. Pwede ko po bang ipagtirik na lang sila ng kandila kahit nandito ako sa Maynila?
Maiintidihan kaya nila ako? Ano po sa tingin niyo Kuya Alex?
Greggy ng Malinta
Hi Greggy,
Bakit mo sa akin tinatanong? Anong akala mo sa akin, kumakausap ng patay? Mukha ba akong medium?
Anong akala mo, katextmate ko mga magulang mo sa kabilang buhay! Hayaan mo, nakausap ko sila! Kung wala ka raw panahon na dalawin sila sa probinsiya, sila na lang daw ang dadalaw sa’yo dyan sa bahay!
Isang beses, isang taon hindi mo pa madalaw mga magulang mo! Ano sila pa mag-aadjust at gagawa ng effort para ikaw na lang ang dalawin nila! Susmaryosep!
•
Hi Alex,
Alam natin na traffic palagi sa buong Metro Manila lalong lalo na sa EDSA. Ang nakakapagtaka, bakit kapag umuulan, lalong nagtra-traffic? Ano po ba ang paliwanag dito?
Carlito ng Bacoor
Hi Carlito,
Mahal kasi ang carwash ngayon! Kaya tayong mga pinoy, gusto makatipid. Kapag umuulan, linalabas natin ang mga sasakyan natin para maulanan at malinisan. Naalala mo ba ng mga bata pa tayo, kapag umuulan, lumalabas tayo sa kalye para maligo, ganun din ang mga sasakyan!
•
Hi Alex,
Magpapasko na naman at syempre, kailangan na naman natin bumili ng mga pangregalo. Pero sa kagustuhan kong wag gumastos, balak kong mag-recycle ng mga pangregalo.
OK lang po ba na recycle ang mga ireregalo ko?
Teresa ng Mandaluyong City
Hi Teresa,
OK lang na mag-recycle sa regalo basta siguraduhin mo lang na hindi ka mahahalata. Siguraduhin mo na ang mug at ballpen na ireregalo mo, walang pangalan mo. Parehas din yan sa towel. Siguraduhin mo rin na yung pagbibigyan mo, hindi galing sa kanya yun ng nakaraang taon!
At siguraduhin mo rin na hindi pagkain ang i-rerecycle mo! Walang pagkain ang tumatagal ng isang taon. Ay meron pala, fruitcake! Hindi siya nasisira!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.