By RUEL J. MENDOZA
HABANG wala pang ginagawang bagong teleserye ang Kapuso actor na si Jeric Gonzales, bumaling muna ito sa music at nasa plano niya ang mag-produce ng isang single.
Isa sa mga talents ni Jeric noong mag-audition ito noon sa “Protégé: The Battle For The Next Artista Break,” kunsaan nanalo siya noong 2012, ay ang pagkanta at gusto niyang muling ipakita ang talent niyang iyon.
“After ko pong manalo sa ‘Protégé,’ sa acting agad ako sinalang ng GMA-7.
“Pero ang gusto ko talaga ay ang kumanta. I had a band before at lead guitarist ako at vocalist.
“Ngayon gusto kong ibalik ang hilig kong iyon.
“Gagawa lang po kami ng isang single at tingnan natin kung magiging okey siya.
“Gagawa rin kami ng isang music video para ma-upload ito sa social media. Hopefully mapansin ito.
“Kasi ‘yung ginawa ko pong duet with Sir Jim Paredes sa Playlist ng GMA Online, marami ang nagkagusto at nagulat sila na nakakakanta pala ako,” ngiti pa niya.
Huling napanood na teleserye si Jeric ay sa “Oh, My Mama” na isang taon na ang nakakaraan. Puro lang daw guestings at out-of-town shows ang pinagkaabalahan niya.
Natuwa naman si Jeric nang mag-taping na siya para sa isang episode ng bagong monthly show ng GMA-7 na “Stories For The Soul” kunsaan kasama niya sina Martin del Rosario at Juan Rodrigo.
Mga modernized biblical stories ang featured sa show na ito na siyang ipe-present ni Manny Pacquiao. Ang episode nila ay ang “The Prodigal Son.”
“Since taong simbahan po ako at naging sacristan noong bata ako, alam ko ang mga Bible parables.
“Every Sunday din noon, I attend catechism school. Kaya lahat ng mga stories sa Bible alam na alam ko.
“Isa itong ‘The Prodigal Son’ ang pinaka-popular na parable at gusto naming ipaalam ito sa maraming kabataan ngayon na nakakalimutan na ang mga kuwento sa Bibliya,” pagtapos pa ni Jeric Gonzales.