By RUEL J. MENDOZA
ANG Kapuso Drama King na si Dennis Trillo ang napiling magbigay ng Tagalog voice sa sikat na South Korean actor na si Gong Yoo sa tagalized version ng hit zombie movie ng Korea na “Train To Busan.”
Ang Korean film na “Train To Busan” ay naging big box-office hit, hindi lang sa Korea kundi pati na rito sa Pilipinas.
Ang kuwento ng “Train To Busan” ay tungkol sa ilang survivors ng isang train kunsaan ang ibang pasahero ay naging zombies dahil sa kumalat na virus.
Sobrang na-challenge daw si Dennis sa ginawa nitong pag-dub sa mga linya ni Yoo in Tagalog.
Naka-relate din daw ang aktor sa character na ginampanan ni Yoo sa naturang pelikula.
“Well, siyempre ‘yung main character diyan sa pelikula, tatay siya.
“Ako, tatay rin ako sa totoong buhay kaya medyo nakaka-relate ako doon sa mga pinagdadaanan niya, ‘yung mga nangyayari sa relasyon nilang mag-ama, tapos lalo na doon sa ending na talagang medyo punong-puno ng emosyon.
“Kasi nga siguro ‘yung mga tatay or ‘yung meron ng mga anak, makaka-relate talaga sa ganitong klaseng bonding, ‘yung relasyon nilang mag-ama,” diin pa niya.
Bagama’t malaking pagsubok kay Dennis ang mag-dub ng isang Korean film, na-enjoy naman niya dahil isa sa paborito niyang pelikula ang “Train To Busan” dahil sa pag-build-up ng emotions sa bawa’t eksena ng pelikula.
Nai-share pa ni Dennis na pinigilan niya ang pag-iyak niya noong mapanood niya ito sa sinehan noong nakaraang taon.
“Very emotional na eksena, talagang naiyak ako doon noong pinapanood ko siya.
“Pinipigilan ko lang kasi kasama ko ‘yung mga kaibigan ko manood.
“Pigil na pigil lang talaga ako sa pag-iyak pero galing, ang galing talaga,” sey pa ni Dennis na magbibida rin sa bagong rom-com series ng GMA-7 na “The One That Got Away.”
Sa October 29 na mapapanood ang Train To Busan sa GMA Blockbusters.