Patay ang isang driver habang sugatan ang dalawa niyang helpers nang sumalpok ang kanilang truck na may dalang buhangin sa isang nakaparadang truck sa Barangay Payatas, Quezon City, noong Sabado ng umaga.
Base sa report ng Quezon City Police District Traffic Sector 5, minamaneho ng biktimang si Cielito Halili, 47, ang isang 14-wheeler cargo dump truck sa kahabaan ng Payatas Road sa Barangay Commonwealth patungong Montalban, Rizal, dakong 2:07 a.m. nang mawalan ito ng preno.
Dahil nawalan ng control si Halili sa truck, dumausdos ito patungong kurbadong bahagi ng daan at saka sumalpok sa isang aluminum dropside truck na nakaparada sa road side.
Nang bumangga ang truck, naiipit si Halili sa loob ng sasakyan sa loob ng mahigit isang oras bago naitakbo sa ospital kung saan siya ideneklarang dead on arrival.
Samantala, isinugod ang dalawang truck helpers ni Halili na kinilalang sina Beljan Yabut at Alvin Yabut sa East Avenue Medical Center kung saan sila nagpapagaling ngayon. (Alexanderia San Juan)