By Glen P. Sibonga
Proud ang internationally acclaimed director na si Carlo Ortega Cuevas sa cast ng bago niyang pelikulang “Guerrero” under EBC Films. Kahit kasi mga baguhan at hindi pa kilalang mga artista ang mga ito ay nagampanan nila nang maayos ang kanilang roles. Patunay na lang ang magagandang reaksyon at positibong feedbacks ng mga nanood ng red carpet special screening ng Guerrero sa SM Megamall Cinema 4 noong October 30.
Ayon nga kay Direk Carlo, “Noong pinapanood ko na po yung pelikula, naramdaman ko po na bagama’t nagsisimula pa lang yung mga artista, nakita ko po yung pagiging simple pero sincere ng pelikula. Kumbaga naikuwento po nang maayos yung pelikula kahit na hindi sila kilala.”
Si Carlo ang direktor ng international award winning film na Walang Take Two. Kaya naman plano rin daw nilang isali ang Guerrero sa iba’t ibang film festivals sa abroad.
Ang Guerrero ay tungkol kay Ramon Guerrero, isang boksingero na laging natatalo pero hindi basta sumusuko kaya minsan ay nananalo rin. Laging nakasuporta sa kanya ang batang kapatid niyang si Miguel, na idolo pa rin ang kanyang kuya kahit palaging talo. Magbabago ang takbo ng relasyon ng magkapatid sa pagdating ni Abby, ang babaeng mamahalin ni Ramon.
Ginagampanan ng newcomer na si Genesis Gomez ang lead character na si Ramon. “Eto yung first time na ako yung bida kaya sobrang nakaka-pressure. Pero bago itong Guerrero, naka-experience na rin ako ng Sugo stage play sa amin sa Iglesia ni Kristo. Then naging suporting cast na rin ako sa Felix Manalo The Movie, tapos doon sa Walang Take Two na si Direk Carlo rin ang direktor nakasama rin ako. Meron din akong sitcom sa Net25 yung Hapi Ang Buhay.”
First movie naman ito ng child actor na si Julio Cesar Sabenorio, na naging crowd favorite sa special screening dahil sa galing umarte. Si Joyselle Cabanlong ang gumaganap sa role ni Abby.
Handog ng EBC Films, ang Guerrero ay mapapanood sa 57 cinemas nationwide simula sa November 12.