By: Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Tapos na ang Undas at alam naman natin na dito sa Pilipinas, lahat ay naghahanda na para nalalapit na kapaskuhan.
Kilala nga ang bansa natin sa may pinakamahabang selebrasyon sa Pasko. Kelan po ba dapat magsimulang mag-decorate at mamili ng regalo para sa nalalapit na kapaskuhan?
Celia ng Maybunga, Pasig
Hi Celia,
Kapag may pera ka na.
•
Hi Alex,
Ako po ay nagtratrabaho bilang secretary. Mabait naman po ang Boss ko pero ang hilig lang talagang mag-utos! Lahat inuutos sa akin. Nasa tabi na niya ang ballpen, ipapaabot pa sa akin. Timpla ng kape, pagdala ng damit sa laundry, bayad ng mga bills! Ultimo personal na mga bagay sa akin na inuutos! Ano po ang dapat kong gawin?
Telly ng Muntinlupa
Hi Telly,
Wala po ngayon si Sir Alex at ako ang kanyang secretary. Inutos niya sa akin na ako na muna ang sumagot sa’yo! Wag kang mareklamo dahil at least may trabaho tayo! Ayun lang ang masasabi ko. Sige na at may pinapaplantsa pa na damit sa akin si Sir Alex.
•
Hi Alex,
May sari-sari store ako at ang daming umuutang. Paano ko kaya sila hindi pauutangin na hindi ako lalabas na masama ang ugali.
Rosa ng Tanay
Hi Rosa,
Maglagay ka ng sign sa sari-sari store mo na may nakusulat na ‘Bawal utang ngayon, bukas pwede’. Kahit bumalik sila kinabukasan, yun pa rin ang mababasa nila!
•
Hi Alex,
Mula ng bata ako, pinaniwala ako ng mga magulang ko na may Santa Claus. Kapag Pasko natutulog ako ng maaga dahil ang panakot sa akin ng mga magulang ko hindi darating si Santa hanggang gising pa ako. Akala ko kinabukasan lahat ng mga laruan ko galing kay Santa! Ngayong may anak na ako, ginagawa ko rin sa mga anak ko yun. Bakit ba sikat na sikat si Santa tuwing Pasko?
Marvin ng Cavite
Hi Marvin,
Tama naman na tinuloy mo ang paniniwala kay Santa sa mga anak mo. Hayaan mo na ang mga bata ay maniwala kay Santa.
Pero sa usapang sikat, hindi ko na ata masasabi sa’yo kung sikat pa si Santa. Dahil aminan na, kapag Pasko, mukha mas sikat pa si Jose Mari Chan.
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007