HINDI pa rin makapaniwala si Marian Rivera sa ibinigay na recognition sa kanya ng Eton International School bilang Pillar of Hope noong nakaraang celebration nito ng United Nations Day.
“Malaki pong karangalan para sa isang tulad ko na kilalanin bilang isang simbolo o ehemplo ng pag-asa. Pero sa aking puso, alam ko na ang mga kabataan ang tunay na simbolo ng pag-asa. Sila ang magdadala ng kinabukasan at sila ang magpapatupad ng mga pangarap nating lahat,” anang star ng “Super Ma’am.”
Samantala, may bago na namang kalaban si Super Ma’am. Ang seven footer na Australian actor na si Conan Stevens bilang Baraka, ang higanteng tamawo.
Bukod kay Stevens, bagong pasok na karakter si Jeric Gonzales na kakampi ni Super Ma’am.
Pa-hopia
Kung tama kami, six years or so ang naging relasyon nina Angelica Panganiban at Derek Ramsay. Four years naman together sina Angelica at John Lloyd Cruz.
Mukhang mas matindi ang love ni Angelica kay John Lloyd na sa isang interbyu ay inamin niyang nahirapan siyang maka-move-on matapos silang mag-break. Hindi man nagbanggit ng pangalan si Angelica, obvious namang si John Lloyd ‘yun.
Sobrang heartbroken siya. Nag-hopia (umasa) siyang magkakabalikan sila. Hindi nangyari ‘yun hanggang sumabog ang kontrobersiya tungkol kina John Lloyd at Ellen Adarna. Mukhang hindi na mapaghihiwalay ang dalawa at tuloy ang pagpapakaligaya nila.
Tanggap na ni Angelica na hindi na sila magkakabalikan ni John Lloyd. Not meant to be sila. Hindi na siya pa-hopia.
Nag-e-enjoy na siya sa pagiging single, sa pagta-travel kasama ang kanyang mga kaibigan.
Isipin na lang ni Angelica ang linyang pinakawalan ni Maricel Laxa sa isang pelikula nito, “Lalaki lang siya!”
Balik-GMA
Bukod sa upcoming primetime series sa GMA na may working title na “Santa Santita,” babalik si Carmina Villarroel sa “Pepito Manaloto.”
Original cast member siya nito bilang Maricar, financial consultant ni Pepito (Michael V.). Umalis si Carmina sa naturang show noong lumipat siya sa ABS-CBN. Balik-GMA siya muli.
Kasama naman ni Carmina sa “Santa Santita” sina Miguel Tanfelix, Bianca Umali, Gloria Romero, Alfred Vargas, Jean Garcia at ang balik-GMA rin na si Marvin Agustin. Si Don Michael Perez ang direktor.