By MELL T. NAVARRO
ANG batikang komedyante at legendary TV host na si Vic Sotto ang gagawaran ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award sa 31st PMPC Star Awards for Television ngayong taon (2017).
Gaganapin ang annual TV awards ceremonies ng nasabing writers group sa Nov. 12, 2017, 7 p.m. sa Henry Lee Irwin Theater ng Ateneo de Manila University, Katipunan Road, Loyola Heights, Quezon City.
Mula sa pamumuno ni Fernan de Guzman na president ng Philippine Movie Press Club, Inc. (PMPC), organizers ng taunang awards ceremonies, si Vic ang napili nila para sa nasabing highest honor na binibigay sa artista, producer, or director sa Philippine television industry dahil sa kanilang remarkable contributions and achievements.
Hindi matatawaran ang mga kontribusyong naiambag ng isang Vic Sotto sa telebisyon sa Pilipinas magmula pa noong siya ay nagsimulang maging TV host ng longest-running noontime show sa bansa na “Eat Bulaga” (now on its more than 30 years on air).
Gayundin ang pagiging lead actor (and executive producer) ni Vic sa di-mabilang na hit shows niya on national TV sa loob ng mahabang panahon tulad ng classic comedy shows niyang “Iskul Bukol” at “Okey Ka, Fairy Ko” na minahal ng masang Pinoy.
Over the years, nagbida rin si Vic sa various hit comedy and gag shows na “1 For 3”, “Daddy Di Do Du”, “Full Haus”, “My Darling Aswang”, “Vampire Ang Daddy Ko”, at ang kasalukuyang umeereng “Hay, Bahay!” at “Bossing And Ai” sa GMA.
Ang iba pang nabigyan na ng PMPC ng lifetime honor na ito ay sina:
Pilita Corrales, Tony Quirino, Armida Siguion-Reyna, Dolphy, Nida Blanca, Helen Vela, German Moreno, Al Quinn, Loida Viriña, Dely Atay-Atayan, Sylvia Latorre, APO Hiking Society, Pepe Pimentel, Inday Badiday, Luz Valdez, Eddie Mercado, Charo Santos-Concio, Rosa Rosal, Nora Aunor, Vilma Santos, Johnny Manahan.
Sa nakaraang pitong taon, ipinagkaloob ng PMPC ang Ading Fernando Lifetime Achievement Award kina Antonio Tuviera (2010), Susan Roces (2011), Gloria Romero (2012), Kitchie Benedicto (2013), Nova Villa (2015), Coney Reyes (2015), at Maricel Soriano (2016).
Igagawad naman ang Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award kay Martin Andanar.
Hosts ng awards night ang magkapatid na Ruffa Gutierrez at Richard Gutierrez, Jodi Sta. Maria, at Robi Domingo, produced ng Airtime Marketing Philippines ni Tessie Celestino-Howard, mula sa direksiyon ni Bert de Leon.