By RUEL J. MENDOZA
Inamin ni Paolo Ballesteros na malaking pressure ang pag-revive niya ng isa sa loveable screen characters ni Joey de Leon na si Barbi.
Ayon kay Paolo, kailangan maging hit din sa box-office ang Barbi D’Wonder Beki tulad ng tatlong Barbi films ni Joey noon.
“Sa sobrang pressure, di ako makahinga!
“Kinalakihan ko po ang Barbi ni Tito Joey. Dalaginding ako noon at enjoy na enjoy akong pinanonood siya.
“I never thought na balang araw, gagawin ko rin pala ‘yung Barbi.”
Pero hindi raw ang maging Barbi ang unang pinangarap na maging ni Paolo noong bata siya.
“Nangarap akong maging Wonder Woman.
“Pero bago siya, si Dyesebel muna!” tawa pa niya ulit.
Mas malaking effort daw ang preparations ni Paolo as Barbi kesa sa award-winning role niya sa Die Beautiful.
“Dito, lagi akong naka-full make up kaya mas matagal gawin, pati hairdo.
“At mas marami rin kaming full length musical production numbers.
“Si Tito Joey, minahal talaga ng tao as Barbi kasi tatlong Barbi movies ang nagawa niya.
“So sana po, suportahan ninyo itong Barbi D’Wonder Beki. Pa-birthday gift na ninyo sa akin kasi sa opening ng movie on November 29, birthday ko rin ‘yon. Kaya please help us,” ngiti pa ni Paolo.
Hanggang ngayon pala ay hindi pa rin makapaniwala si Paolo Ballesteros na uma-attend siya ng presscon na siya ang bida.
Dati-rati raw ay a-attend siya ng presscon dahil kasama siya sa cast. Ngayon daw ay sa kanya na nakasentro ang mga tanong.
“Nakaka-overwhelm pa rin. Never kong naisip na darating ako sa ganito. ‘Yung ako ang bida, ako ang parating tinatanong. Nakakapanibago lang talaga.
“Kasi, sa totoo lang, hindi pa nagsi-sync in sa akin ‘yung nangyari with Die Beautiful. Para sa akin, magandang panaginip ang lahat nang nangyari last year.
“Kaya heto, with Barbi D’Wonder Beki, gano’n pa rin ang feeling ko. Parang panaginip pa rin ito.”