By: Ruel J. Mendoza
MASAYANG-masaya si Venus Raj dahil sa sunud-sunod na tagumpay ng Pinay sa mga international beauty pageants.
Kabilang na rito sina Winwyn Marquez (Miss Reina Hispanoamericana), Karen Ibasco (Miss Earth), Nelda Ibe (1st runner-up, Miss Global) at Elizabeth Clenci (2nd runner-up, Miss Grand International).
May mga nagsasabi na malaki ang kinalaman ni Venus kaya muling napansin ang ganda at talino ng mga Pinay.
Noong 2010 ay nag-place bilang 4th runner-up sa Miss Universe si Venus pagkatapos ng higit na 11 years na hindi nakakapuwesto ang Pilipinas. Huli pa noon ay si Miriam Quiambao na nag-1st runner-up noong 1999.
Pagkatapos nga ng tagumpay ni Venus, nagsunud-sunod na ang pagpasok ng Pilipinas sa Miss Universe bilang runner-up tulad nila Shamcey Supsup (2011, 3rd runner-up); Janine Tugonon (2012, 1st runner-up); Ariella Arida (2013, 3rd runner-up) hanggang sa mapanalunan na ni Pia Wurtzbach ang Miss Universe crown in 2015.
Pero hindi lang sa Miss Universe napapansin ang ganda at talino ng Pinay kundi pati na rin sa iba’t-ibang international beauty pageants.
Pero ayon kay Venus, hindi raw dapat sa kanya i-credit ang pagkapanalo ng Pinay sa mga international pageants. May kanya-kanya raw husay at ganda ang mga ito kaya kung magtagumpay man sila, ito ay dahil pinaghirapan nila ito.
“I am flattered kapag sinasabi nila sa akin na ako raw ang nagsimula ng trend. Kaya napapansin na ulit ang Pilipinas sa mga international pageants.
“Pero sa totoo lang po, hindi po ako. Lahat po tayo may kanya-kanyang galing. Kung ano man ang na-achieve nila, dahil iyon sa pinaghirapan nila iyon.
“Natutuwa ako sa nararating ng mga candidates natin ngayon. Sunud-sunod ang panalo. It only means na tama ang ginagawa nila at deserve nila iyon,” ngiti pa ni Venus.
Muling nagbabalik sa TV hosting si Venus via the travel/business show na “Business Flight” na nasa ika-3rd season na kunsaan co-host niya si Cristina Decena.