CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Binuksan kamakailan ang kauna-unahang Grand Pasalubong Center sa lalawigan na makatutulong na mas makilala pa ang mga produktong gawa mula sa iba’t ibang bayan ng Oriental Mindoro.
Ang Grand Pasalubong Center ay matatagpuan sa unang palapag ng Xentro Mall, Lungsod ng Calapan. Nabuo ang konsepto ng Pasalubong Center sa pamamagitan ng Golden Mindoro Island Natural and Agricultural Products Marketing Inc. sa pangunguna ni Golden Mindoro Inc. (GMI) President Luciano D. Sevegan, sa pakikipagtuwang sa iba’t ibang ahensya ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sa oportunidad na ibinibigay nito sa mga producer at magsasaka, inaasahang higit pang makatutulong ang pasalubong center upang mahikayat ang mga itong itaas ang kanilang produksyon at maipakita ang mga produktong gawang Mindoro.