By MELL T. NAVARRO
NABASA ni Direk Jun Lana ang post ni Christian Bables sa kanyang social media account sa isyung hindi na magagawa ng newcomer ang papel bilang si Barbs sa “Born Beautiful,” spin-off cable series ng pelikulang “Die Beautiful” ni Paolo Ballesteros, kunsaan nakilala nang husto si Christian.
Nang dumalaw kami sa location teaser shoot ng “Born Beautiful” sa San Juan City kamakailan lang, hindi napigilan ni Direk Jun ang paglitanya ng kanyang sama ng loob dahil sa mga pangyayari.
Ang sentimiyento ni Direk Jun ay July 2017 pa lamang ay may agreement at contract na sila ni Christian at ng manager-discoverer nito na gagawin nito ang series, pero ang latest ay “management decision” ang binanggit ni Christian na dahilan kaya naudlot ang proyektong siya dapat ang bida.
Sa sinasabi niyang “agreement,” alam ba mismo ni Christian ang time frame para mangyari o maisagawa ito?
“Alam niya because ilang beses kaming nag-meeting,” sabi ni Direk Jun.
“Ilang beses namin siyang inupo. Ipinaintindi namin sa kanya and he was very excited.
“At buung-buo ‘yung plano namin – from film to TV to series, at may binubuo rin kaming stage play para sa kanya. As in buo. Kasi, gusto niyang maging theater actor, eh.
“So, we’re willing to invest on those things just for him. But I guess, meron rin silang mga ganyang opportunity na nahanap nila.”
Dahil ba may agreement done na with Cignal Entertainment, kaya itinuloy pa rin ang proyekto, kahit hindi na si Christian ang gaganap?
“Actually, sakaling wala siya sa sequel, ang plano ko kasi talaga is to do a series, then after that, do a movie.
There’s going to be a movie kasi.
“Napag-usapan kasi namin ng creative group ‘yung buhay ng character ni Barbs, and we are so excited doon sa mga puwede niyang puntahan.
“Para siyang pelikula. Masaya siya. Bastos siya. Nakakatawa siya. Nakakaiyak siya.
“Lahat ng elements ng ‘Die Beautiful’, nandito sa ‘Born Beautiful.’ And doon sa pelikulang gagawin namin after this (Cignal) series. So, si Martin na rin ‘yun.”
Pero noong hindi pa sila naghihiwalay ng landas ni Christian bilang co-manager ng new actor, wala bang control ang management company ni Direk sa career of Christian – sa sinasabi nitong “management decision”?
“Meron naman. It’s just that kung ano rin kasi ang gusto ng talent, eh.”
Sa tagal ng pinagsamahan nila ni Christian mula pa noong ginagawa nila ang ‘Die Beautiful,’ gaano ang sama ng loob na nararamdaman niya ngayon dahil sa mga nangyari?
“Wala namang maraming taon… Pero actually, ngayon kasi, wala na, kasi, nailabas ko na (ang sama ng loob), eh.
“Siguro, kung nangyari ito mga five years ago at iba pa ang personality ko, baka nang-away ako! Pero ngayon, you realized na you’ve moved on, there are other projects. You wish him well.
“Nanghihinayang lang ako doon sa friendship. Dahil parang ‘yun ang nasira, dahil nawalan ako ng tiwala sa kanila… I feel betrayed!
“Kaya ako betrayed, kasi, noong nangyari ang lahat nang ito, iniisip ko na, ‘Ay, one of these days, siguro, mag-uusap naman kami. Lalagpas din ito,” hugot pa ni Direk Jun sa kanyang pagtatapos.
Kasama rin sa cast ng “Born Beautiful” sina Lou Veloso, Chai Fonacier, Joey Paras, Kiko Matos, and with the special participation of Paolo Ballesteros.