By: Francis T. Wakefield
Inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang 45-year-old British man at ang kaniyang companion sa kanilang bahay sa Pasig City noong Huwebes dahil sa illegal possession of firearms.
Kinilala ni CIDG chief Police Director Roel Obusan ang dinakip na suspects na sina British national Matthew George Marney at Rommel Mañas Catilo, 45.
Ayon kay Obusan, sinalakay ng mga operatiba ng CIDG Anti-Transnational Crime Unit (ATCU) ang bahay ng mga suspect sa No. 25 Pepper St., Valle Verde 5, Pasig City, dakong 1:35 p.m, sa bisa ng isang search warrant.
Nakumpiska sa mga suspect ang limang .45-caliber pistols, 11 magazines para sa caliber .45, 14 na patalim, 25 piraso ng caliber .45 ammunition, limang brass knuckles, isang slingshot, stun gun, stun gun plastic case, firearms cleaning kit, apat na pistol cases, tatlong firearms holsters, at apat na kahon ng basyo ng bala.
Sinabi ni Obusan na sinampahan ang dalawa ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law) sa Pasig City Prosecutor’s Office noong Huwebes.