Isang Indian national na naniningil lamang ng mga pautang ang nasaktan matapos agawin ang kaniyang pera ng isang lalaki at babae na nakasakay sa isang motorsiklo sa Quezon City.
Kinilala ni Police Superintendent Christian Dela Cruz, hepe ng Kamuning Police Station (PS-10) ang Indian national na si Harman Malhi Harsimikan Singh, 20 anyos na nakatira sa Matahimik Street, Teacher’s Village sa Quezon City.
Ayon sa isang saksi, nagpunta si Singh sa kaniyang tahanan sa Mabilis Street, Barangay Pinyahan upang maningil ng kaniyang pautang.
Aktong i-aabot na ng saksi ang kaniyang pera sa biktima nang biglang sumipot ang isang lalaki na naka-helmet sakay ng motorsiklo na pinaaandar naman ng isang babae.
Bumaba ang lalaki na naglabas naman ng baril at agad na pinaputukan si Singh sabay hablot ng salapi na hawak ng biktima na nagkakahalaga ng P1,500.00.
Agad na rumesponde ang kapatid ng biktima na si Marinder at itinakbo ito sa East Avenue Medical Center.
Nagsasagawa na ang pulisya ng follow-up operation habang nagpapagamot ang biktima sa ospital. (Alexandria Dennise San Juan)