By: Alexandria San Juan
Dalawang motorcycle-riding men na nangholdup ng isang babae ang napatay nang makipagbarilan sa rumesponding police sa Quezon City noong Sabado ng gabi.
Ayon kay Superintendent Carlito Grijaldo, commander of Novaliches Police Station (PS-4), ang mga napatay ay nasa edad 20, katamtaman ang pangangatawan, at mapuputi. Isa sa kanila ay nakasuot ng black shirt at short pants, habang ang pangalawa ay nakasuot ng shirt at camouflage short pants at may mga tattoo na “Mariluz,” at “Ron-Ron” sa kaliwang braso.
Sinabi ng biktimang si Luzviminda Tanauan na naglalakad siya sa Quirino Highway sa Barangay Gulod, Novaliches, dakong 11:10 p.m. Sabado nang harangin siya ng dalawang lalaking nakasakay sa isang motorsiklo. Tinutukan siya ng baril ng backrider at sabay kuha sa kaniyang bag.
Habang tumatakas ang suspects patungo sa Barangay San Bartolome, nakahingi ng tulong si Tanauan sa mga miyembro ng PS-4 na nagpapatrol noon sa lugar.
Matapos ang 30 minutong habulan, nasukol at napatay ng police ang dalawang suspect sa Pasacola Road sa Barangay Nagkaisang Nayon.