Sinamplahan kahapon ng kasong smuggling sa Department of Justice (DoJ) ang isang negosyante at isang customs broker dahil sa tangkang pagpuslit ng dalawang luxury vehicles sa bansa.
Kinilala ni Bureau of Customs’ Action Team Against Smugglers (BOC-BATAS) executive director Yasser Ismail Abbas ang dalawang respondents na sina Julius Catalig, registered owner ng Juljerjac Trading; at customs broker Rodrigo de Guzman.
Sinabi ni Abbas na kinasuhan ang dalawa ng paglabag sa Sections 1400 at 1401 ng Republic Act 10863 The Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ayon kay Abbas, maaaring makulong ang respondents mula anim hanggang 12 taon at pagmumultahin ng mula R1.5 million hanggang R15 million.
Sinabi ni Abbas na ang luxury vehicles ay ideneklarang 10 packages ng auto parts tulad ng shock absorbers, bearings, sprockets at spoilers. Ngunit nang idaan ang container sa x-ray machine noong August 4, nakita ng inspector na hindi auto parts ang laman nito. (Jeffrey G. Damicog)