By: Francis T. Wakefield
Anim na katao na nauna nang dinukot ng Abu Sayyaf ang pinalaya na ng mga bandido noong nakaraang Biyernes.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana ang mga napalayang bihag na sina Jessie M. Trinidad, 53 anyos; Marissa V. Trinidad, 54; Jimmy V.Trinidad, 21; Lucy D. Hapole, 21; Marciano D. Hapole, 14, at Nelson T. Hapole, 7.
Ayon kay Sobejana, ang mga biktima na pawang mga residente ng Kalimayahan Village, Barangay Latih sa Patikul, Sulu ay pinalaya sa Sitio Buhawan-Buhawan, sa parehong Barangay sa Patikul.
Dinukot ang mga biktima noong November 14 sa kani-kanilang mga tahanan ng pitong kalalakihan na armado ng mga high-powered na mga armas.
Sinasabing ang mga bandido ay nasa ilalim ng pamumuno ng Abu Sayyaf Ajang Ajang ni Roger Samlahon.