ANO kaya’ng masasabi ni Gabby Concepcion na kumita ang “Unexpectedly Yours” nina Sharon Cuneta at Robin Padilla? Ayon sa report, naka-P14 million ito noong opening day at patuloy na kumikita pa sa takilya.
Kung natuloy kaya ang reunion movie nina Sharon at Gabby, ganoon din kaya kalakas ‘yun sa takilya o higit pa?
Ayon sa mga nakapanood ng UY, naaliw sila sa movie na feeling daw nila, mukhang may feelings pa si Sharon kay Robin na ex-boyfriend niya. Gano’n? Si Mariel Rodriguez-Padilla na misis ni Robin ay panay ang papuri sa UY sa posts niya sa social media. Fan daw siya ni Sharon na obviously, hindi niya pinagselosan ang megastar.
Sa guesting nina Sharon at Robin sa “Tonight with Boy Abunda,” tinanong ni Boy si Robin kung si Mariel na ba ang huling babaeng mamahalin niya? “Pipilitin ko,” sambit ni Robin.
As we all know, muslim si Robin at pwede siyang mag-asawa hanggang apat. Mukha namang “behaved” na ngayon si Robin at wala na ‘yung pagiging babaero niya, gaya noong kabataan niya.
Kapatid pa rin
Kasama ni Derek Ramsay noong presscon ng “All of You” ang non-showbiz girlfriend niyang si Joanna Villablanca. Pero hindi ito umeksena at nasa kabilang function room ng Max’s restaurant (Tuason-Roces branch QC). Doon ito naghintay kay Derek hanggang natapos ang presscon.
Nilinaw nga pala ni Derek ang isyung bumalik na siya sa ABS-CBN. Aniya, nag-usap lang sila ng ilang executives at nagkaliwanagan sila sa mga bagay-bagay na nangyari noon sa paglipat niya sa TV5.
Ayon pa kay Derek, may ginagawa siyang pelikula sa Star Cinema, pero hindi ibig sabihin na Kapamilya na muli siya.
May kontrata pa siya sa TV5 hanggang 2018, kaya hindi pa siya pwedeng lumipat ng network.
Pero open siya sa pwedeng mangyari kapag nag-expire na ang kontrata niya.
Samantala, mas excited si Derek sa muling pagtatambal nila ni Jennylyn Mercado sa “All of You.” Noong una raw, medyo uncomfortable sila sa isa’t isa, lalo na sa intimate scenes sila. After a while, naging komportable na sila.
Official entry ang “All of You” sa 2017 Metro Manila Film Festival. Kasama rin sa cast sina Solenn Heussaff, Rafael Rosell, Sam Milby, Kean Cipriano, Yayo Aguila, Nico Antonio, Hannah Ledesma, atbpa. Directed by Dan Villegas.