By RUEL J. MENDOZA
MASAYA ang Kapuso actor na si Jeric Gonzales na first time niyang makakasama sa isang teleserye ang aktor na si Marvin Agustin.
Ayon kay ni Jeric, malaki raw ang utang na loob niya kay Marvin kung bakit artista siya ngayon.
Si Marvin daw ang dahilan kung bakit sumali at nanalo si Jeric sa reality talent search ng GMA-7 na “Protégé: The Battle For The Big Artista Break” noong 2012.
Kuwento ni Jeric na sa bakuran ng ABS-CBN 2 nakilala ni Jeric si Marvin kasama ng manager niya.
“Baguhan lang ako noon. Dapat ay may meeting kami ng manager kong si Archie Ilagan with Mr. Johnny Manahan.
“Pero nataon na wala ito. Pagbaba namin from the office ay nakita namin si Sir Marvin.
“Kilala po niya ‘yung manager ko kaya nag-usap sila. Si Sir Marvin na ang nagsabi na pumunta kami sa GMA-7 dahil mas mukhang may future daw ako roon dahil masyado na raw maraming artista na kasing-edad niya sa Dos.”
Si Marvin din nag-suggest kay Jeric at sa manager nito na sumali ito sa “Protégé” dahil mukhang mananalo raw ito.
Nagdilang-anghel si Marvin at nanalo si Jeric kasama si Thea Tolentino.
Kaya laking tuwa ni Jeric nang malaman niyang nagbalik-GMA-7 si Marvin at makakasama pa niya sa teleserye na “Kambal, Karibal.”
“Kung ano ang narating ko ngayon sa career ko, I owe that to Mr. Marvin Agustin kasi siya ang nakakita ng potential sa akin.
“Kaya laking tuwa ko nang malaman ko na kasama rin siya sa cast ng ‘Kambal, Karibal.’
“Noong manalo po ako sa ‘Protégé’ noong 2012, wala na po si Sir Marvin sa GMA-7 at nasa TV5 na yata siya noon.
“Natutuwa naman daw siya sa nangyari sa akin. Sabi ko, utang ko sa kanya ang pagkapanalo ko sa ‘Protégé.’
“Sabi lang niya ay masaya siyang natulungan niya akong maabot ang mga pangarap ko,” pagtapos pa ni Jeric Gonzales.