By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Mahilig po akong maligo bago matulog. Dahil mahaba po ang buhok ko, matagal itong matuyo kaya inaabot na ako ng antok. Nagagalit sa akin ang nanay ko dahil bawal daw matulog kapag basa ang buhok. Mababaliw daw ako. Totoo po bang mababaliw ka kapag natulog ka na basa ang buhok?
Minda ng Navotas
Hi Minda,
Hindi totoo yan. Kung totoo yan, marami na ang nababaliw ngayon dahil basa ang buhok ng natulog! Kaya ka pinagbabawalan ng nanay mo eh dahil mababasa ang punda at ang unan mo. Kapag naabsorb ng unan mo ang moisture, isa itong dahilan para bumaho at masira ang unan. Moisture destroys the fabric and cotton that is inside the pillow.
Napansin mo ba na dinaan ko sa English? Mas nakakabilib kasi sa English kesa sa tagalong. Kahit hindi mo alam ang sinasabi mo, kapag nag-english ka, mukhang matalino ka!
•
Hi Alex,
May boyfriend po ako at magdadalawang taon na kami. Napapansin ko po kapag magkasama kami ay may katext siya. Kapag tinatanong ko naman kung sino ang katext niya, kaopisina niya daw. Madalas pa, habang may katext siya, napapangiti siya. Ayaw naman niya ipakita ang cellphone niya. Sino po kaya ang ka-text niya?
Jerrica ng Quiapo
Hi Jerrica,
Hindi ba ang sabi ng boyfriend mo katext niya ang ka-opisina niya. Ang ibig sabihin nun, katext niya talaga ang ka-opisina niya. Paniwalaan mo siya. Karamihan sa mga lalakeng katulad ko, hindi kami nagsisinungaling. Sinasagot kayo ng maayos tapos hindi kayo maniniwala. Saka kung may katext yan na ibang babae, hindi niya ipapakita sa harap mo.
Walang magnanakaw na magnanakaw mismo sa harap mo, patago niyang gagawin yan. Huwag mo rin intindihin yung ngumingiti siya habang may katext, ako nga, habang nagta-type ngayon, ngumingiti. Mas problemahin mo kung umiiyak siya. Pagtiwalaan mo ang boyfriend mo!
•
Hi Alex,
Sawang-sawa na ako sa pagiging mahirap. Mula ng bata ako hanggang ngayon, mahirap pa rin kami! Paano po ba ang yumaman?
Conrad ng Makati
Hi Conrad,
Sa tingin mo kung alam ko, magsusulat pa ako dito sa Tempo!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007