By RUEL J. MENDOZA
KILALA n’yo pa ba kung sino si Bona?
Isa siya sa magaling na manggaya noon sa Superstar na si Ms. Nora Aunor. Manuel Papillera ang tunay niyang pangalan.
Sumikat ang pangalan ni Bona noong ‘90s dahil sa pag-impersonate niya kay Ate Guy. Sunud-sunod ang guestings niya sa TV at comedy bars dahil bukod sa magkahawig sila ni Ate Guy, kaya din niyang kumilos at umarte tulad ng superstar.
Sa isang episode ng documentary program ng GMA NewsTV na “Reel Time” na “Sa Likod Ng Komedya” pinakita ang buhay ngayon ni Bona.
Bago raw pasukin ni Bona ang panggagaya kay Ate Guy, dati siyang tauhan ng isang kilalang celebrity makeup artist.
“Kapitbahay ko si Bambbi Fuentes sa Project 6. Nagka-parlor siya sa Timog, kinuha niya ko bilang isa sa mga tauhan niya,” kuwento pa ni Bona.
Ang nagpasok kay Bona bilang makeup artist sa Seiko Films noon ay ang designer na si Goulee Gorospe.
Nawalan ng trabaho si Bona sa parlor dahil sa pagiging lakwatsero niya. Dahil walang magawa, naisipan niyang mag-audition sa TV contest na “Gaya-Gaya, Puto-Maya” ng “Eat Bulaga!” kunsaan ginaya niya si Nora Aunor.
“Marami kasi ang nagsasabing kamukha ko raw si Nora. ‘Yun daw gayahin ko kasi hindi na ako mahihirapan,” sey ni Bona.
Hindi man nanalo sa contest na iyon si Bona, marami naman daw ang kumuha sa kanya na mag-guest sa mga comedy bars at TV dahil sa nakakatuwang pag-impersonate niya kay Ate Guy.
Naranasan ni Bona ang kumita ng malaki dahil sa sunud-sunod na paglabas niya sa TV at sa gabi-gabing pag-show niya sa mga comedy bars.
Pero hindi nga raw naging maingat sa kinikita niyang pera si Bona.
Kapag may kinita raw siya, mabilis itong mawala dahil mahilig siyang mag-blowout sa mga kaibigan.
Ngayon ay binalikan ni Bona ang gupit ng buhok. Ito raw ang kinabubuhay niya ngayon dahil hindi na raw siya kinukuhang mag-guest na sa TV o sa mga comedy bars.
Nagseserbis ng gupit si Bona sa ilang kaibigang customers dahil gusto na raw nitong mag-ipon.
Pag-amin ni Bona: “Dati nagba-bangko ako. Pero ayoko mang sabihin sa sarili ko pero ang katotohanan, may pagkagastador ako.”
Nag-iisa lang daw sa Maynila si Bona kaya kunsaan siya abutan ng antok, doon siya matutulog. Minsan daw sa bahay ng kanyang kaibigan at minsan daw ay sa nakaparadang jeep.
“Ako lang mag-isa tapos bakla pa. Pero okey lang. Ang punto nito, marami kang natutunan at wala akong pinagsisisihan.”