Tinutugis ng police ang isang security guard na umano’y nakabaril at nakapatay sa kaniyang kasama sa trabaho sa isang paaralan sa Quezon City noong Sabado ng gabi.
Kinilala ng Quezon City Police ang napatay na si Richard Correa, 33, residente ng Cainta Rizal, at ang suspect na si Rolly Deogracias, 47, kapuwa security guard na nakatalaga sa Philippine School of Business Administration sa Barangay Loyola Heights, Quezon City.
Bago ang naganap ang insidente, dinalaw si Deogracias ng kaniyang asawang si Marilyn at ng kanilang apo sa naturang paaralan dakong 7 p.m.
Sa pamamagitan ng radio call, tinanong ni Correa, officer-in-charge ng security personnel, ang suspect kung gaano katagal na mag-stay ang kaniyang pamilya sa loob ng paaralan. Sinagot siya ni Deogracias na aalis din sila pagkaraan ng ilang minuto.
Dakong 7:45 p.m., inutusan ni Correa ang isa pang security guard na si Aladino Naldoza, na naka-assign sa accounting office, na alalayan ang pamilya ni Deogracias sa paglabas sa paaralan.
Maya-maya pa, nakarining si Naldoza ng isang putok ng baril. Nang puntahan niya ang pinagmulan ng putok, nakita niya si Correa na duguang nakahandusay sa kaniyang lugar sa Gate 1 ng paaralan. Nagmamadaling umalis si Deogracias at ang kaniyang pamilya.
Dead on arrival si Correa sa Quirino Memorial Medical Center sa isang tama ng bala sa dibdib. (Alexandria San Juan)