by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Malapit na naman po ang Pasko at siguradong may exchange gift na naman kami sa pinagtratrabahuhan ko. Pero ang problema sa exchange gift, hindi naman nasusunod ang napagkasunduang presyo ng regalo.
Madalas akong mabiktima na mura ang nireregalo sa akin. Paano ko nalaman, ramdam ko kasi nakita ko sa tiangge eh! Two hundred ang minimum pero ang natatanggap ko wala pang P50 eh! Ano kaya ang gagawin ko para hindi na maulit ito?
Benjo ng Dapitan
Hi Benjo,
Simple lang ang solusyon dyan! Sabihin mo sa magreregalo sa ’yo na wag tanggalin ang tag price at isama sa regalo ang resibo!
•
Hi Alex,
Ang kapal ng mukha ng nanliligaw sa akin! Sobrang lakas ng loob! Sinabihan ko na siya na hindi ko siya gusto eh nagpunta pa rin sa bahay!
Kinausap pa ang nanay ko. At mukhang ang nanay ko pa ang nililigawan para mapasagot ako.
Hindi ko na nga nilalabas kapag nasa bahay pero si nanay ang laging kinakausap. Napakasipsip kay nanay! Laging may pasalubong kay nanay. Ano po ba ang gagawin ko?
Meldy ng Malabon
Hi Meldy,
Baka naman nanay mo na ang nililigawan at hindi ikaw? Sumbong mo sa tatay mo! Sabihin mo, mukhang nililigawan ang nanay mo at hindi ikaw!
•
Hi Alex,
Madalas ako mag-drive at napapansin ko, dito sa Pilipinas, bukod sa traffic light, nagtratraffic din sa ilalim ang traffic enforcer. Minsan, kahit stop ang traffic light, papaandarin ka ng traffic enforcer, minsan naman, kahit go, hindi ka papaandarin. Sino ba talaga ang susundin ko, ang traffic enforcer o ang traffic light?
Redentor ng Caloocan City
Hi Redentor,
Sundin mo ang tinitibok ng puso mo at dinidikta ng isipan mo!
•
Hi Alex,
Mahilig ako sa pabango pero ang mga nagugustuhan ko ay sobrang mamahal na pabango. May isa akong paborito pero naubos na ito. Kapag papasok ako sa opisina, madami ang nakakaamoy sa akin at nababanguhan.
Hindi ko na kayang bumili ulit nitong pabango na ito dahil sobrang mahal, ano kaya ang gagawin ko?
Lando ng Makati City
Hi Lando,
Bago ka pumasok sa opisina, dumaan ka muna sa mall. Hanapin mo yung paborito mong pabango. Kunyari bibili ka kaya ite-test mo muna sa katawan mo. Araw-araw mo gawin pero dapat sa iba’t ibang mall. Solve na ang problema mo!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.