By Joseph Jubelag
GENERAL SANTOS CITY – Pinag-utos ng regional police command dito Martes ang masusing imbestigasyon sa pagkamatay ng isang lalaki sa loob ng isang police station sa Glan, Sarangani.
Ayon kay Chief Inspector Aldrin Gonzales, regional police spokesperson, napatay si Deddy Oktadora, 22, ng barilin ito sa batok ni Chief Inspector Ryan Lim, hepe ng Glan police.
Depensa ni Lim, napilitan lamang siyang barilin si Oktadora makaraang agawin nito ang baril ni PO2 Herbert Alinsugay.
Dagdag pa ni Lim, si Oktadora ay inimbitahan sa presinto upang magpaliwanag sa pagkakasangkot nito sa kaso ng pagnanakaw ng isang motorsiklo.
Duda naman ang pamilya ng biktima sa kuwento ni Lim. Naniniwala silang sadyang ni-rubout ang kanilang kaanak.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pangyayari.