By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Ilang araw na lang at Simbang Gabi na naman. Tulad ng mga nakaraang taon, nagsi-Simbang Gabi ako dahil may wish ako.
Naniniwala kasi ako na kapag nakumpleto mo raw ang siyam na simbang gabi, matutupad ang wish mo.
Pero ilang taon na akong nagsi-Simbang Gabi at nakukumpleko ito palagi pero hindi naman natutupad ang wish ko. Ang wish ko kasi ay magkapera ng marami kapag sumasapit ang Pasko. Bukod sa Simbang Gabi, ano ba ang dapat kong gawin para matupad ang wish ko na magkapera?
Sol ng Pasay City
Hi Sol,
Bukod sa Simbang Gabi, subukan mo rin mag-trabaho para magkapera. May kasabihan nga tayong “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Kilos kilos din!
•
Hi Alex,
May mga nangangaroling na sa amin ngayon at medyo nakakairita dahil sa tingin ko maaga pa para mangaroling. Ano ba talaga ang panahon para magsimulang mangaroling?
Marco ng Valenzuela
Hi Marco,
Para sa mga nangangaroling, mas maaga, mas maganda! Dito sa Pilipinas, September pa lang, sinisimulan na ang celebration ng Pasko.
Hayaan mo lang silang mangaroling sa inyo, ibig sabihin, galante ang bahay niyo. Mas maiinis ka kapag nilalagpasan ang bahay niyo para mangaroling sa kapit-bahay mo. Ibig sabihin nun, blacklisted na kayo sa mga nangangaroling.
•
Hi Alex,
Paano ko sasabihin sa anak ko na hindi totoo si Santa. Lumalaki na kasi siya ay ngayong Pasko, mahal na gadget ang hiling niya kay Santa. Kapag binili namin at pinalabas namin na galing kaya Santa, kay Santa na naman mapupunta ang credit!
Kapag hindi naman namin binili, lalabas na walang regalo sa kanya si Santa. Pero ang totoo talaga, wala naman kaming pambili ng mamahaling gadget.
Panahon na ba para malaman niya na walang Santa?
Sionie ng Taguig
Hi Sionie,
Anong pinagsasabi niyo na hindi totoo si Santa! Hanggang ngayon nakakatanggap pa ako ng regalo mula sa kanya!
Minsan nga I saw mommy kissing Santa Claus! Totoo si Santa!
Kung hindi totoo si Santa bakit may North Pole! Ayaw ko ng basahin ang sulat niyo! Hindi tayo bati!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.