By Ruel J. Mendoza
MALAKING pagsubok sa Kapamilya actor na si Paulo Avelino ang gampanan ang papel na Tony Javier sa Metro Manila Film Festival 2017 official entry na “Ang Larawan (The Portrait).”
Ginampanan ng mga premyadong aktor na sina Phillip Salvador at Ricky Davao ang papel na Tony Javier sa stage version ng “Ang Larawan” ni Nick Joaquin na base sa kanyang English play na “A Portrait of the Artist as Filipino.”
Kaya malaking challenge ito para kay Paulo na walang theater background dahil kinailangan niyang matutong kumanta at tumugtug pa ng piano.
Noon pa naisip ni Paulo na subukan ang teatro pero hindi niya akalain na masasabak siya agad sa isang malaking musical tulad ng “Ang Larawan” na ilang taon nang pinaplano na gawing isang pelikula.
Tinanggap ni Paulo ang pelikula dahil matagal na niyang pangarap ang gumawa ng ganitong klaseng pelikula.
“Pinag-audition po ako and luckily I got the part.
“Sabi ko nga, parang masyadong maaga pa para gumawa ako ng isang musical, pero heto ginawa ko naman. Talagang na-challenge kasi ako.
“Malayo ito sa mga nakasanayan kong gawin sa TV at movies. It’s a first tapos magagaling pa ang mga kasama ko na sina Joanna Ampil at Rachel Alejandro.
“Kailangan makasabay ako sa kanila kaya nag-voice lessons talaga ako.
“Kailangan pitch perfect ako or else nakakahiya sa mga kasama ko,” natatawang kuwento ni Paulo.
Bukod kina Paulo, Rachel at Joann, kasama rin sa cast ng “Ang Larawan” ay sina Nonie Buencamino, Menchu Lauchengco-Yulo, Robert Arevalo, Zsa Zsa Padilla, Rayver Cruz, Sandino Martin, Cris Villanco, Aicelle Santos, Bernardo Bernardo, Jaime Fabregas, Nanette Inventor, Noel Trinidad, Dulce, Cara Manglapus, Jojit Lorenzo, Leo Rialp at Ogie Alcasid.
Mula ito sa direksyon ni Loy Arcenas at produced ito ng Culcurtain Musicat Productions.