By Glen P. Sibonga
MASAYANG-masaya si Coco Martin pagkatapos ng special celebrity and press screening ng pelikulang pinagbibidahan niya, idinirek at prinodyus, ang “Ang Panday,” na official entry sa 2017 Metro Manila Film Festival. Ginanap ang special screening sa Trinoma Cinema 4 noong Dec. 14.
Dumalo rito ang iba pang cast ng pelikula na kinabibilangan nina Jake Cuenca, Mariel de Leon, Eddie Garcia, Albert Martinez, Awra Briguela, Elisse Joson, McCoy de Leon, Kylie Versoza, at marami pang iba. Nanood din ang Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Ms. Susan Roces, ang maybahay ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino at original Panday na si Fernando Poe Jr.
Ano ang nararamdaman ni Coco ngayong napanood nang mga press at mga kaibigan niyang artista ang pinaghirapan niya?
“Nabawasan ng kaba. Honestly, noong una parang kinakabahan ako sa reaksyon ni Tita Susan, sa kanya ako pinakaninenerbiyos. Kasi siyempre from the very start humingi ako sa kanya ng blessing at patnubay na gagawin ko nga ‘yung ‘Panday.’ Tinulungan niya ako. Pero siyempre after that ayokong masira sa kanya e. Naitayo ko ‘yung ‘Ang Probinsyano,’ at the same time naitayo ko rin ‘yung ‘AngPanday,’ sabi ko sana magustuhan din niya, ma-appreciate niya,” sabi ni Coco.
Hindi na raw sila nakapag-usap ni Ms. Susan dahil nauna na itong nakalabas sa sinehan. Pero base sa sabi ng mga press na malapit sa kinaupuan ng veteran actress, tuwang-tuwa raw ito sa panonood.
Ayon kay Coco, ginawa niya ang pelikula para pasayahin ang mga pamilyang Pilipino ngayong Kapaskuhan. “Siyempre alam naman natin ‘yung sitwasyon ng bansa natin, hindi naman lahat ng mga Pilipino nakakapanood palagi ng sine. Marami sa mga Pilipino ngayon ang isang beses lang makapanood ng sine sa isang taon lalong-lalo na pagdating sa Kapaskuhan.
Sabi ko, gusto ko itong ‘Panday’ pagpinanood nila ‘yung masusulit ‘yung perang ibabayad nila. Kaya lahat, mapababae o mapalalaki, matanda o bata, mag-e-enjoy dito. Sana nga magustuhan nila, sana ma-enjoy nila kasi ‘yung viewers talaga ang unang inisip ko rito.”
Handog ng CCM Film Productions, Star Cinema at Viva Films, ang “Ang Panday” ay mapapanood sa mga sinehan nationwide bilang bahagi ng MMFF 2017 simula sa Pasko, Dec. 25.