By Ruel J. Mendoza
Isang kontesera or taong mahilig sumali sa mga contest ang kinoronahan na Miss Tourism International 2017 na si Jannie Loudette Alipo-on.
Inamin ng beauty title holder bago siya lumaban sa Miss Tourism International, sumali siya sa dalawang major beauty pageants sa Pilipinas at bigo raw siyang manalo ng titulo.
Sumali noong 2013 sa Miss Earth si Jannie at ni-represent niya ang Municipality of Cabugao, Ilocos Sur.
Noong 2015, sumali naman siya sa Miss World Phippines. Nakaabot si Jannie sa Top 13 semi-finalists.
Noong 2017, naging isa sa candidates ng Mutya Ng Pilipinas si Jannie at ni-represent niya ang Navotas City. Dito na siya nanalo ng title bilang Mutya Ng Pilipinas-Tourism International.
Pagkakataon na ito ni Jannie na i-represent ang Pilipinas sa Miss Tourism International sa Johor Bahru, Malaysia noong nakaraang December 6, 2017.
“Nasalihan ko na lahat tapos ito na ‘yung chance kong ma-represent ‘yung country natin.
“Hindi ko ine-expect na mananalo ako at maiuuwi ko ulit ‘yung korona para sa Pilipinas,” kuwento pa ni Jannie.
Si Jannie ang ikaapat na Pinay na manalo ng korona bilang Miss Tourism International.
Ang mga past winners nito ay sina Maria Esperanza Manzano noong 2000, Rizzini Alexis Gomez noong 2012 at Angeli Dione Gomez noong 2013.
Naging malaking tulong daw kay Jannie ang pagiging co-host niya noon sa programang Wowowin ni Willie Revillame.
Nagkaroon daw siya ng confidence sa pagharap sa maraming tao.
“Nakakatulong ‘yun kasi siyempre nakaharap ka sa camera, nakaharap ka sa maraming tao, nagsasalita ka sa harap ng maraming tao,” ngiti pa niya.
Bilang Miss Tourism International, layunin ni Jannie na i-promote ang turismo ng Pilipinas sa pamamagitan ng social media.
Matagal na raw dream ni Jannie na magkaroon ng sarili niyang travel blog.
Sa pagbalik ni Jannie ng Pilipinas, nangako ito na babalik ito sa Wowowin para magpasalamat sa suporta na binigay ng mga tao roon sa kanya, lalo na ang suporta ni Kuya Will.