by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Malapit na ang bagong taon at kinausap ako ng suki kong tindera ng prutas sa palengke na bumili na raw ako ng mga bilog na prutas habang maaga pa. Swerte raw ang prutas na bilog sa bagong taong. Dapat daw labing dalawang klase ang bilhin ko. Napabili tuloy ako ng maaga. Totoo po ba ang sinasabi ng suki kong tindera?
Melia ng Dagupan
Hi Melia,
Hindi ako sigurado kung totoo yun pero ang sigurado akong sinuwerte eh ang suki mong tinder dahil napaniwala ka niya at napabili ka. Hindi lang prutas na bilog ang nabenta niya, pati ikaw nabilog niya! Ang swerte di’ba?
•
Hi Alex,
Maraming mga handaan ang dadaan. Noche Buena sa darating na Pasko at Media Noche sa darating na Bagong Taon. Sabi na ng Nanay ko ng nabubuhay pa siya, para makatipid daw ako, hati-hatiin ko raw ang karneng baboy at gamitin ito sa iba’t ibang putahe. Mas maganda daw pakinggan na marami kang handing iba’t ibang putahe kahit konti kesa naman marami nga pero iisa lang. Totoo po ba yun?
Dang ng Malabon
Hi Dang,
Tama naman ang Nanay mo. Yun ang tinatawag na diskarte! Pero ingat ka lang paghiwa mo ng baboy, mamaya sa sobrang liit, parang giniling na ang hiwa. Mahirap kainin ang pork chop na giniling, o kaya sinigang na giniling! Medyo ang hiwa dapat eh yung nakikita pa at hindi kayang liparin ng electric fan.
•
Hi Alex,
Nung bata pa ako, kapag sasapit ang bagong taon, pinapatalon ako ng Nanay ko para tumangkad raw ako. Hindi naman nagkatotoo. Ang liiit ko. Ngayong may anak na ako, gusto ko rin silang tumalon para tumangkad dahil naniniwala ako na totoo ito. Ano kaya ang naging pagkukulang ko ng tumatalon ako. Baka po mabigyan niyo ako ng additional tips para magawa ko sa mga anak ko.
Menk ng Makati City
Hi Menk,
Nakalimutan mong sabayan ng pag-inom ng Cherifer habang tumatalon! Yun ang kulang! Saka dapat eksaktong alas-dose ka tatalon. Isabay mo sa countdown, wag sa GMA kasi huli yung countdown nila, wag din sa ABS-CBN kasi nauuna naman sila. Isabay mo sa countdown ng PTV 4!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007