by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Sa darating na Pasko, saan ba masarap magbakasyon? Gusto ko sana yung malayo sa city, para tahimik. Yung walang signal ang cellphone, walang Internet. Yung walang paraan para makontak ako ng kahit sino. Marami kasi sa mga resorts sa PIlipinas, may mga wifi. Gusto ko yung hindi pa naabot ng technology! Saan po ba ang maipapayo niyo?
Dindo ng Shaw Blvd.
Hi Dindo,
Teka muna, ilang inaanak ba ang pagtataguan mo ngayong Pasko! Kung ano-ano pa ang pinagsasabi eh magtatago ka lang sa mga inaanak mo! Napakasama mong Ninong! Pero sige, may alam akong lugar, dun din ako nagpupunta kapag Pasko eh! Pero hindi ko pwedeng sabihin dito, sabihin ko na lang sa’yo ng personal!
•
Hi Alex,
Ano po ang pinakamagandang regalo sa Misis ko sa darating na Pasko. Yung talagang magugulat siya at hindi siya maniniwala na binigay ko sa kanya. Yung hindi niya makakalimutan, yung talagang kahit ilang taon na ang lumipas eh maalala pa rin niya. May suggestion po ba kayo.
Peter ng Alabang
Hi Peter,
Regaluhan mo ng bulaklak pero ang dedication, nakapangalan sa ibang babae. Sinasabi ko sa’yo, garantisado, magugulat yun at hindi makakapaniwala! Hinding-hindi niya makakalimutan yun kahit ilang taon na ang lumipas. Kahit hiwalay na kayo, ipapaalala niya palagi sa’yo yun!
•
Hi Alex,
Lahat na lang ng parte ng Metro Manila Traffic lalong lalo na sa mall! Halos bente kwatro oras na ang traffic. Ano ba ang dapat gawin para makaiwas sa traffic ngayong Pasko?
Fonsie ng Marikina
Hi Fonsie,
Huwag kang lumabas ng bahay!
•
Hi Alex,
Usong-uso ang karoling sa lugar namin. Halos gabi-gabi may nangangaroling! Pero ang napapansin ko, pabalik-balik yung mga grupo sa bahay namin. Magpapalipas lang ng oras, maya-maya, babalik na naman sa bahay namin. Kapag sinabihan mo naman na nakailang balik na sila, ide-deny! Ano ba ang dapat kong gawin para matigil na ‘to!
Belle ng Navotas
Hi Belle,
Kapag may nangaroling, picturan mo! Para pag bumalik sila, may ebidensiya ka! Kung meron kayong CCTV, mas maganda, para talagang walang lusot. Gamitin mo ang technology!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.