By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Ang daming hinanda ng nanay ko ng nakaraang Pasko na hanggang ngayon pinapakain pa rin sa amin.
Iniinit lang tapos ‘yun na naman ang ipapakain sa amin! Nakakasawa na!
Paano ko kaya sasabihin sa nanay ko na sawang-sawa na kami sa mga pinapakain niya sa amin?
Ledz ng Makati
Hi Ledz,
Huwag mo muna kausapin ang nanay mo. Kausapin mo siya pagkatapos ng Bagong Taon. Mauulit kasi yang problema mo.
Madami na namang handa sa Bagong Taon ang kakainin niyo pa hanggang Three Kings.
Para maiwasan ang ganitong problema, siguraduhin niyong mauubos ang mga pagkain sa Pasko at Bagong Taon!
•
Hi Alex,
Ang lalakas ng paputok ng kapitbahay namin. Minsan kahit tanghali at sa hapon, nagpapaputok kung kelan natutulog ang anak ko. Mukhang nananadya na.
Dalawang buwan pa lang ang anak ko at kadalasan, natutulog sa hapon. Pati tuloy misis ko hindi nakakapagpahinga.
Gising kasi ang anak ko sa hatinggabi kaya tulog ito sa hapon. Ano kaya ang gagawin ko?
Manolo ng Quiapo
Hi Manolo,
Paki-usapan mo ang mga kapitbahay mo na sa gabi na sila magpaputok dahil gising naman kayo pati na ang anak mo. Kapag hindi sumunod, gantihan mo na!
Tutal, gising naman ang anak mo sa hatinggabi, ikaw naman ang magpaputok sa hatinggabi para maistorbo mo naman ang kapitbahay mo.
Kapag hindi sila nakatulog sa paputok mo, mapupuyat sila at tulog sila hanggang hapon.
•
Hi Alex,
Balak naming bumili ng mga paputok para salubungin ang Bagong Taon. Madaming mga bagong paputok ang naglalabasan ngayon sa Bulacan at nalilito kami kung ano ang bibilhin.
Ano po bang mga paputok ang dapat iwasan ngayong Bagong Taon?
Carlito ng Balintawak
Hi Carlito,
OK lang sa akin ang mga paputok na malalakas. Kaya ka nga nagpapaputok para maitaboy ang mga masasamang spirits!
Kaya dapat malalakas ang paputok na bibilhin mo! Ingat nga lang! Ang ayaw na ayaw ko sa mga paputok eh yung mga paasa! Ito yung mga paputok na ang gaganda ng packaging at ang dami ng pulbura na inaasahan mo na sobrang lakas kapag pumutok.
Pero once na ginamit mo na, wala naman pala! Parang isang relasyon na ang daming pinangako sa’yo yun pala, wala naman! Ayaw ko ng mga paasa! Iwasan niyo ang mga paputok na yan!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.