ILOCOS SUR (PIA) – Inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang lahat na lumahok sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2018, ang pinakamataas na pagkilala para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan gamit ang wikang Filipino.
Ayon sa KWF, layunin ng gawad na hikayatin at palaganapin sa pamamagitan ng sistemang mga insentibo, ang mga grant at gawad, ang pagsusulat at publikasyon sa Filipino at ibang mga wikang Filipinas ng mga akdang orihinal, kabilang ang mga teksbuk at sangguniang materyales sa iba’t ibang disiplina.
Ang gawad ay bukas sa lahat maliban sa mga empleado ng KWF at kanilang mga kaanak.
Ang ilalahok na tesis at/o disertasyon ay naipasa sa mga taong 2017 at 2018.
Kinakailangan itong isulat bilang kahingian sa mga kursong may kaugnayan sa agham, matematika, agham panlipunan at sa iba pang kaugnay sa larangan.
Kailangang nasusulat sa Filipino and lahok, orihinal, hindi pa nailathala at hindi rin salin sa ibang wika.
Marapat na gamitin ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat (MMP) bilang format sa pagsulat ng tababa, talasanggunian, at iba pa.
Ang lahok ay kailangang isumite nang apat na kopyang makinilyado o kompyuterisado (hardcopy) at nakalagay sa isang compact disc (CD). May lakip na curriculum vitae, pormularyo ng paglahok at rekomendasyon mula sa dalawang propesor.
Ang apat na hardcopy, CD, curriculum vitae, pormularyo ng paglahok at rekomendasyon ay nakalagay sa expanding brown envelope na may pangalan at adres ng kalahok.
Makatatanggap ng halagang R100,000 at isang plake ng pagkilala ang magwawagi ng naturang gawad. Lahat ng kopya ng mga lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik sa mga kalahok at angkin na ng KWF ang unang opsiyon na mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang royalti sa may-akda.