by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Darating sa susunod na linggo ang biyenan kong babae galing sa Amerika. Magbabakasyon sa bahay namin ng dalawang linggo. Malamang, makikialam na naman sa bahay namin yun, pati mga anak ko, papaabusuhin. Maingay yun sa bahay at reklamador. Saka, pakiramdam ko, hindi talaga boto sa akin yun! Pupunahin na naman ako nun, bakit hanggang ngayon hindi pa ako napropromote, bakit hindi pa napapalitan ang kotse ng bago. Bakit hindi pa narerenovate ang bahay! Bakit hindi sa magandang school nag-aaral ang mga anak ko! Pati buhay dito sa Pilipinas ikukumpara niya sa buhay sa Amerika! Pupunahin nun ang Pilipinas na akala mo hindi siya Pinoy! Mayaman kasi ang biyenan ko at siguradong bibilhan na naman ng kung ano-ano ang mga anak ko nun! At isa pang kinaiinisan ko, ikukumpara na naman ako nun sa nanliligaw dati sa anak niya na naging karibal ko! Magiging magulo ang dalawang linggo ko habang nandito ang biyenan ko! Ano ba ang dapat kong gawin?
Ricky ng Alabang
Hi Ricky,
Napakaswerte mo! Gusto mo palit tayo ng sitwasyon? Dalawang linggo lang yan, ako, dito nakatira sa amin ang biyenan kong babae at lalake! Ano, kaya mo? Wag ka ng magreklamo! Kung sa’yo dalawang linggo, ako habambuhay! Kaya tigilan mo ako at naiinggit lang ako sa’yo!
•
Hi Alex,
Nagtitinda ng barbecue ang kapit-bahay namin! Ang lakas ng benta niya! Nakaka-ubos ng isang libong stick ng barbecue araw-araw! Ang balak ko sana, magtayo din ng barbecue para maging kakumpetensiya niya. Tama po ba ang gagawin ko?
Gemma ng Divisoria
Hi Gemma,
Mali ang gagawin mo. Magkakasamaan lang kayo ng loob ng kapit-bahay mo. At hindi mo rin sigurado kung mas masarap ang barbecue mo kesa sa barbecue ng kapit-bahay mo. Kung gusto mo talaga ng negosyo, ito ang maipapayo ko. Magbenta ka ng stick ng barbecue at uling. Bibili sa’yo yung kapit-bahay mo! Kung nakakaubos siya ng isang libong stick ng barbecue araw-araw, ibig sabihin bibili siya rin siya sa’yo ng isang libong stick araw-araw! Pati uling, sa’yo rin! Ang talino ko di’ba?
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007