Umabot na sa 20 public utility vehicles ang nahuli ng pinagsanib na tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) sa loob lamang ng dalawang araw na anti-colorum and out-of-line operations sa Metro Manila.
Sinabi ni Bong Nebrija, MMDA operations supervisor, na apat na public utility buses mula sa Cavite, anim na passenger van, isang Asian Utility Vehicle at dalawang multi-cabs ang hinuli dahil sa colorum at out-of-line violations.
Ang mga nadakip na drivers ay pinamumulta ng R6,000 at pina-impound ang kanilang mga sasakyan sa Marikina City.
Sa pagsama ng LTO Field Enforcement Unit sa operation, pitong passenger vehicles ang binigyan ng violation tickets na may multang R200,000 base na rin sa LTO joint administrative order. (Anna Liza Villas-Alavaren)