by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
May dalawa akong anak na lalake na mga teenagers. Ang hilig sa computer games. Pagdating galing sa school, computer games agad ang inaatupag.
Ang hirap ng makausap dahil lagi dun nakatutok. Lalong-lalo na sa weekends. Wala na kaming bonding moments.
Ayaw ko na maging masungit na nanay at kunin ang mga gadgets nila baka magrebelde at kung ano pa ang maisipang gawin. Naglagay na rin ako ng schedule pero hindi naman nasusunod. Ano kaya ang dapat kong gawin?
Linette ng Dapitan
Hi Linette,
Malamang online computer games kaya naa-addict yang mga anak mo. Kasi may kalaban silang mga tao dyan na minsan kakilala nila, minsan nasa ibang bansa.
Ganyan din ang panganay kong anak. Huwag kang mag-alala may payo ako sa’yo. Ganito ang gawin mo. Makipaglaro ka rin sa kanila! join ka sa online community group nila at magpakilala ka na nanay ka ng dalawa mong anak.
Tapos mag-asal teenager ka hanggang mahiya ang mga anak mo sa’yo! Sila mismo ang pipigil sa’yo na maglaro. Kapag pinigilan ka nilang maglaro, pigilan mo rin sila maglaro. Ang problema lang dyan eh baka ikaw naman ang ma-addict!
•
Hi Alex,
Lagi kong nakikita sa mga bote at karton ng gatas na may expiration date ito. Buong-buo pa ang expiration date, may year, may month, at may kasama pang day. Paano kaya nalalaman ng mga nagbebenta ng gatas kung kelan ang expiration date ng gatas?
Mary Rose ng Pasay
Hi Mary Rose,
Atin-atin lang ito pero kaya nalalaman ng mga nagbebenta ng gatas kung kelan ang expiration, yung mga baka mismo ang nagsasabi.
Kapag kinukuhan sila ng gatas, magsasalita yung baka kung ano yung expiration date. Ganun din ang ginagawa sa gatas ng kambing at kalabaw.
•
Hi Alex,
Kapag nabundol ka ba ng kotse habang tumatawid ka sa pedestrian lane, automatic ang may kasalanan yung kotse na bumundol sa’yo?
Jerson ng Laguna
Hi Jerson,
Tama! Kaya kahit wala ka sa pedestrian lane at nabunggo ka, siguraduhin mo na makakagapang ka papunta sa pinakamalapit na pedestrian lane para yung nakabunggo sa’yo ang may kasalanan!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.