Sabay ang showing ng “Ang Dalawang Mrs. Reyes” at “Mama’s Girl” ngayong Miyerkules. Sina Judy Ann Santos at Angelica Panganiban, kasama sina JC de Vera at Joross Gamboa ang mga tampok sa “Ang Dalawang Mrs. Reyes,” hatid ng Star Cinema at dinirek ni Jun Lana.
Sina Sylvia Sanchez, Diego Loyzaga at Sofia Andres naman ang mga bida sa “Mama’s Girl” na prodyus ng Regal Entertainment, mula sa direksiyon ni Connie Macatuno.
Walang gustong umatras sa Regal at Star Cinema para ipagpaliban ang playdate ng kanilang pelikula. Walang gustong magparaya.
Comeback ni Juday sa mainstream movie ang “Ang Dalawang Mrs. Reyes” na huli siyang napanood sa indie film, “Kusinera” na entry sa 12th Cinemalaya Film Festival in 2016.
Huli namang napanood si Angelica sa “The Unmarried Wife” in 2016 kung saan nanalo siyang best actress sa FAMAS 2017.
Comeback movie naman ni Sylvia sa Regal Entertainment ang “Mama’s Girl.” Aniya, ito ang unang nagbigay sa kanya ng break sa pelikula, kaya thankful siya sa mag-inang Lily at Roselle Monteverde na binigyan siya muli ng pagkakataong makagawa ng pelikula under Regal Entertainment.
Dream
Dream talaga ni Klea Pineda maging beauty queen, kaya pinaghahandaan niya ang pagsali sa beauty contest. Eighteen years old pa lang siya, kaya mahaba-haba pa ang gagawin niyang pagsasanay.
May pagka-boyish si Klea, kaya kailangan talagang mag-training siya sa pagkilos, paglakad at pagsasalita bago siya rumampa sa beauty contest. Alam n’yo bang mahilig siya mangolekta ng rubber shoes at sombrero? Iilan lang ang high-heeled shoes niya na isinusuot lang niya kapag kailangan talaga sa formal affair na pinupuntahan niya.
Kasama si Klea sa “Sirkus,” bagong fantasy series na hatid ng GMA News and Public Affairs. Tampok din sina Cherie Gil at Gardo Versoza na ani Klea, kinakabahan siyang katrabaho ang mga ito. “Iniisip ko kasi, baka magkamali ako, nakakahiya. Nahihirapan akong katrabaho ang mga datihang artista,” ani Klea.
Tampok din sa “Sirkus” sina Sef Cadayona, Mikoy Morales, Mikee Quintos, Chariz Solomon, Andre Paras. May special participation sina Zoren Legaspi at Angelu de Leon, directed by Zig Dulay. Mapapanood every Sunday simula Jan. 21 at 6:10 pm sa GMA7.