By GLEN P. SIBONGA
INAMIN ni Carlo Aquino na muntik na pala siyang mag-quit sa showbiz noong mga panahong dumalang na ang offers at trabaho. Tila kinuwestiyon niya ang sarili niya kung may halaga pa ba siya bilang aktor lalo na nga’t noong kanyang kabataan ay dagsaang mga proyekto at pinarangalan pa siya ng maraming awards.
“Bakit ganun? Bakit noon, puro praises sila sa akin, tapos all of a sudden parang nawala na lang ang lahat? May tendency kasi ako na i-doubt ang sarili ko. Nagkaroon tuloy ng time na hindi ako ganun ka-confident dahil may insecurities ako. Hindi ko alam kung saan nanggaling ‘yun, pero siguro kasi I started very young, and nung pumasok ako sa showbiz hindi ko naman inasahan na magiging ganun ‘yung takbo ng career ko. Hindi ko inasahan na magkakaroon ako ng chance na gumawa ng magagandang pelikula. Hindi ko rin inasahan ‘yung inulan ako ng papuri. Nung tumanda na ako, I felt like kailangan kong ma-sustain ‘yun. Ganun ‘yung naging effect sa akin ng lahat ng ‘yun. Nagpapasalamat ako sa mga nabigay sa akin noon, pero hindi ko naiwasang ma-pressure dahil nga sa mga ‘yun,” sabi ni Carlo.
Pero hindi rin naman nagtagal ang pangit na nararamdaman ni Carlo. Nagsimulang bumalik ang confidence niya sa sarili nang bumalik siya sa kalinga ng Star Magic, ang talent arm ng ABS-CBN. Naging instrumento rin daw ang ABS-CBN unit heads na sina Ginny Monteagudo Ocampo at Ruel Bayani upang mabigyan siya ng lead roles sa telebisyon sa pamamagitan ng “We Will Survive” (2016) at “The Better Half” (2017).
Patuloy pa rin ang dating ng blessings kay Carlo hanggang ngayong 2018 dahil siya ang male lead at kapareha ni Bela Padilla sa romantic comedy movie na “Meet Me in St. Gallen” sa ilalim ng Spring Films at Viva Films at sa direksyon ni Irene Villamor.
“When they pitched this to me, ilang beses ko silang tinanong kung sigurado ba sila na gusto nila akong kunin. Oo daw. Sabi pa nga nilang lahat sa akin, ‘Halika, sumama ka sa amin. Magiging maganda ito.’ Nakakatuwa silang katrabaho kasi napaka-positive nilang lahat. Mahirap siya because it’s a whole new monster. First time ko nga bilang male lead sa rom-com. Pero sobrang thankful ako na sa akin nila ibinigay itong opportunity na ito,” ani Carlo.
Mapapanood ang “Meet Me in St. Gallen” sa mga sinehan nationwide simula sa Feb. 7, 2018.