ODIONGAN, Romblon (PIA) – Nananawagan ang tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Romblon sa mga magtatapos o nagtapos na sa high school, partikular na sa mga nagnanais na kumuha ng kursong BS Fisheries, na bukas na ang kanilang tanggapan sa pagtanggap ng mga aplikante para sa BFAR Fisheries Scholarship Program.
Ang Fisheries Scholarship Program o FSP ay bukas sa mga kabataan 20 taong gulang pababa, nakapagtapos o magtatapos ng high school ngayong taon, kasama sa Top 10 ng graduating class at interesadong kumuha ng kursong Bachelor of Science in Fisheries o Marine Biology simula sa school year 2018-2019.
Ayon kay Luisito Manes, Acting Provincial Fishery Officer ng BFAR Romblon, ang naturang scholarship program ay naglalayong makapaghanap ng ahensiya ng mga kabataang may potensyal na mamumuno sa pagpapalago ng fisheries and aquatic resources ng bansa.
Nilinaw din nito na dapat anak sila ng mga small-scale o small-time na mangingisda o yaong kumikita ng hindi lalampas ng R25,000 bawat taon.