Matapos makumpleto ang pagkukumpuni, pagsasaayos at pagpapaganda sa Quinta Market sa Quiapo, 6 pang palenke na isinamoderno ay natapos na.
Ayon kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, parang bagung-bago na uli ang 17 public market na ating ipina-modernized.
“Tulad ng aking ipinangako, pagagandahin at isasamoderno ang mga luma at nasisirang merkado sa Maynila. Natapos na ang pagkukumpuni at pagsasaayos ng 6 pang palengke na maipagmamalaki ang bagong itsura ng mga ito,” sabi ni Estrada.
Ang 6 pamilihan na inayos at pinaganda ay ang mga sumusunod: 1.) Obrero Public Market sa Blumentritt Street, Sta. Cruz; 2) Pampanga Public Market sa Pampanga Street, Tondo; 3) Wagas Market sa Wagas Street, Tondo; 4) Baseco Market sa Baseco Compound, Port Area sa District 5; Bambang Market sa Bambang Street, Tondo; at Pandacan Market.
Ayon kay Estrada, pinondohan ng pamahalaang lungsod ng mahigit sa R100 milyon ang mga proyektong ito – mula sa kanilang multi-milyong rehabilitasyon at pagsasa-moderno ng mga palengkeng publiko sa Maynila.
Ang mga naturang palengke ay pininturahan, inayos ang instalasyon ng kawad ng elektrisidad, kinabitan ng mga bagong ilaw, at inayos ang linya ng tubig.