by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Nakakainis na! Ang tagal ko na naman nag-intay sa airport dahil delayed na naman ang flight ko! Lagi na lang delayed ang mga eroplano dito sa Pilipinas! Ang nakakairita pa, kapag ikaw ang na-late, iiwan ka ng eroplano, kapag ang eroplano ang na-delay, hihintayin mo sila! Bakit ba may mga eroplanong nadedelay?
Miranda ng San Juan
Hi Miranda,
Naku, matagal ko na ring tanong yan! Nagtataka rin ako kung bakit sila nadedelay eh wala namang traffic sa taas! Wala namang traffic light, walang mga traffic enforcer, walang mga taong tumatawid, walang lubak at wala ring mga naka-double park! Minsan tuloy naiisip ko, baka yung mga ulap ang nagpapatagal sa biyahe dahil nakaharang sila. Hindi ko rin alam kung bakit ayaw nila bilisan! Wala namang lubak, wala namang mga humps at wala ring speed limit! Hayaan mo at aalamin ko ang tunay na sagot!
•
Hi Alex,
Lagi akong sumasakay sa pampasaherong jeep at nakasabay ko na ang iba’t ibang klase ng pasahero. Iba’t iba rin ang paraan nila ng pagpara. May iba nagsasabi ng ‘para’, yung iba ‘sa tabi lang’, yung iba kumakatok sa bubong ng jeep, meron ding ‘sa kanto lang’. Ano ba talaga dapat ang standard na sasabihin kapag gusto mong huminto ang jeep?
Irma ng Makati
Hi Irma,
Wala naman talagang standard sa pagpara o sa pagpapahinto sa jeep, kanya-kanya kanyang trip lang yan! Malalaman mo nga ang pagkatao nila sa pagpara nila sa jeep. Kapag nagmamadali o nakalagpas sa bababaan, sunod-sunod na para yan ‘PARA! PARA! PARA!’. Kapag pa-sosyal, ‘Manong Driver, sa corner lang’. Kapag sigurista, ‘para sa tabi’. Sigurista kasi sinisigurado na tatabi ang jeep bago bumaba! Yung mga pa-cool o pa-mysterious, kumakatok lang sa bubong yan. Pa-cool at pa-mysterious kasi hindi pa bayad yan! Yung mga pa-intellectual, kapag pumara ganito, ‘manong driver, bababa po ako in 100 meters’. May measurement pa, hanep!
Hi Alex,
Paano ba malalaman kung sino ang umutot sa loob ng elevator?
Ding ng Pasay
Hi Ding,
Kung sino ang umubo, siya ang umutot! Kasi malamang, nautot siya sa kakaubo o umubo siya para ma-cover yung pag-utot niya!