MAMBURAO, Occidental Mindoro (PIA ) – Dalawandaang mga magsasaka ng bayang ito ang makikinabang sa mga kagamitan sa pagsasaka na nagmula sa Department of Agriculture (DA).
Ipinamahagi ito kamakailan ng pamahalaang bayan ng Mamburao sa walong vegetable growers association, at ginanap sa Senior Citizen Hall, municipal compound.
Ayon kay Municipal Agriculturist Officer (MAO) Sunshine Singun, ang mga drums, 3000 meter hose, water pump at mungbean thresher ay mga agricultural interventions na kabilang sa mga pangunahing kailangan ng mga benepisyaryo.
Aniya, mismomg si Mayor Angelina Tria ang humiling ng mga kagamitang ito sa DA.
Isa si Joselito Fulgencio, magsasaka ng barangay Fatima, ang mapalad na napabilang sa asosasyon na tumanggap ng 10 drum at 300 metrong haba ng hose. Ayon kay Fulgencio, maaring gamiting timplahan ng pataba (fertilizer) o kaya naman ay imbakan ng tubig ang mga nasabing drum.
Lubha aniyang malayo ang balon na kinukunan nila ng tubig na gamit sa kanilang mga pananim. Isasama sa kanilang kasunod na pulong ang pamamahagi ng mga drum upang higit na marami sa kanilang mga miyembro ang makinabang. Paliwanag pa ni Fulgencio, lalong mapapadali ang kanilang gawain sa bukid kapag mailalapit ang kanilang pinagkukunan ng tubig.