MAITUTURING na kontrobersyal ang katatapos pa lamang na 2018 Grammy Awards sa Madison Square Garden sa New York nitong Jan. 28 matapos umuwing luhaan ang rap superstar na si Jay-Z kahit na ito ay may walong nominasyon, pinakamarami para sa taong ito.
Inaakala ng marami na hahakot na ng award si Jay-Z dahil biniyayaan na sya ng walong nominasyon matapos nitong i-boycott ang prestihiyosong awards show ilang taon na ang nakakaraan.
Pero mukhang naisahan yata si Jay-Z ng Grammys dahil kahit na tinapos na n’ya ang boykot, hindi pa rin siya binigyan ng kahit na anong tropeo sa gabi ng awards night.
Nasungkit naman ni Bruno Mars ang tatlong major awards – Album of the Year, Record of the Year at Song of the Year.
Si Kendrick Lamar, isa sa mga mahigpit na kalaban nila Jay Z at Bruno Mars, ay nanalo rin ng mga awards tulad ng Best Rap Performance, Best Rap/Sung Performance, Best Rap Song, at Best Rap Album.
Suma-tutal, nag-uwi si Bruno ng anim na award samantalang lima naman para kay Kendrick.
Sabi ng ilang fans, mukhang naulit ang pang-i-isnub ng Grammy nang hindi manalo ang asawa ni Jay-Z na si Beyoncé para sa Album of the Year noong 2017 Grammy Awards.
Matatandaang binoykot ni Jay-Z ang naturang show noong 1996 matapos ang kanyang kaibigan na rapper na si DMX ay hindi man lang na nominado sa Grammy kahit na bumenta pa ang album nito. Nung taon na ‘yun, nanalo naman si Jay-Z ng Best Rap Album kahit na hindi sya pumunta.
Isang araw bago ang 2018 Grammy Awards, binigyan naman ng Grammy Salute to Industry Icons Award si Jay-Z sa Clive Davis’ Pre-Grammy Gala.
Dito na naturang okasyon na ito nabanggit ni Jay-Z kung paano nya tinapos ang boykot laban sa Grammy Awards.
“I didn’t come back until 2004 when a beautiful, young lady whom I love dearly had a solo album. And I realized, ‘Man, art is super subjective and everyone is doing their best, and the Academy, they’re human like we are and they’re voting on things they like and it’s subjective,” ayon sa report ng ABC.
Dagdag pa ni Jay-Z: “If we believe in it – ’cause we do, we can pretend that we don’t care but we really care – we care ’cause we’ve seen the most incredible artists stand on that stage and we’re inspired to be that, so I was like, ‘I have to be here.’”
Tinawag naman ng ilang music fans na “racist” ang pag-snub kay Jay-Z.
May mga nagsasabi rin na baka nakaapekto kay Jay-Z ang pagtanggi nya na huwag kumanta sa naturang awards show.
Ayon sa isang report, mas gugustuhin na lang daw ni Jay-Z na manood at i-enjoy ang awards show kesa mag-perform sa gabing ‘yun.
Kasama ni Jay-Z ang kanyang kabiyak na si Beyoncé at ang kanilang anak na si Ivy Blue sa 2018 Grammy Awards.