by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Mahilig po akong maglaro ng basketball at lagi po akong sumasali sa mga liga. Dumadayo pa nga kami sa ibang lugar para sumali. Minsan panalo, minsan talo. OK lang matalo basta walang dayaan o luto. Pero kaya ako sumulat dahil natalo ang team ko sa huling ligang sinalihan namin. Championship at dikit ang laban, natalo kami dahil medyo malabo yung tawag ng referee! Lamang ng isa kalaban, last shot kami, last 2 seconds, tinawagan ba naman ako ng 3 seconds! Posible ba yun Tito Alex, last 2 seconds eh tawagan ka ng 3 seconds!
Percy ng Taguig
Hi Percy,
Posible lalo na kung may pera ang kalaban niyo! Walang imposible sa referee basta bigyan mo ng pampabulag! Ano ang pampabulag, pera! Ang charging, nagiging blocking, ang not counted nagiging counted, ang konting reklamo, nagiging technical! Kaya sa susunod, ipon kayo ng pera para yung kalaban niyo naman ang ma-3 seconds!
•
Hi Alex,
Nalulungkot ako dahil konti na lang ang nagbabasa ng dyaryo! Ang apo ko, laging sinasabi, wala na daw silbi ang dyaryo! May IPAD siya at madalas niyang ipagyabang na mababasa na sa IPAD ang mga balita at hindi na kailangan ang dyaryo! Lahat dawn g kailangan sa dyaryo, nasa computer at IPAD na! Paano ko ba ipapaliwanag sa apo ko ang kahalagahan ng dyaryo?
Lolo Teban ng Malabon
Hi Lolo Teban,
May pagkamayabang ang apo mo! Huwag niyang mamaliitin ang dyaryo! Bukod sa paghahatid ng balita, madaming gamit ang dyaryo kapag naluma! Sa palengke, ginagamit itong pambalot sa tuyo at daing! Mainam din ang dyaryo na panlinis ng salamin! Pwede din itong gamitin sa pagawa ng paper mache! Pero kung ayaw talaga maniwala ng apo mo at sa tingin niya, kaya na ng IPAD ang lahat ng ginagawa ng dyaryo, ganito ang gawin mo! Hiramin mo ang IPAD niya at gamitin mo ito panghampas sa langaw! Sigurado ako, matatauhan yang apo mo at maniniwala na may magagawa ang dyaryo na hindi magagawa ng IPAD. Ayaw pa rin maniwala, hampasin mo ng IPAD! Siguradong maniniwala na yun!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007