PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Magkakaroon na ng regular na biyahe ng barko mula Palawan patungong Malaysia simula Pebrero.
Ang pagbubukas ng nasabing ruta ay inanunsiyo ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan kamakailan, makaraang makipagpulong ang mga representante nito sa mga opisyal ng Kudat, Kota-Kinabalu at Sabah sa bansang Malaysia.
Ang kompanyang Archipelago Philippine Ferries Corporation (APFC) na nakabase sa Maynila at siyang nagmamay-ari ng sasakyang pandagat na Fast Cat ang magseserbisyo sa nasabing ruta na magsisimula sa Buliluyan Port, Bataraza, Palawan patungong Kudat, Malaysia.
Ang Fast Cat Ferry ay may kakayahang magsakay ng 275 na pasahero, 35 sasakyan at 12 sasakyang panghakot ng mabibigat na kargamento (lorries). Ang biyahe ay magtatagal ng anim na oras. Ang ferry ay aalis sa Buliluyan Port sa umaga at darating sa Kudat Port dakong tanghali at muling bibiyahe pabalik sa Palawan sa dakong hapon.