By Joseph Jubelag
GENERAL SANTOS CITY – Patay ang isang barangay councilman rito kahapon ng madaling araw makaraang manlaban diumano ito sa mga pulis kasunod ng isang buy-bust operation.
Kinilala ni Chief Insp. Aldrin Gonzales, regional police spokesperson, ang nasawi na si Ali Sambaga, barangay councilman ng Barangay Lun Masla, Malapatan, Sarangani.
Ayon sa pulisya, matagal na nilang minamanmanan ang kilos ni Sambaga na isang kilalang drug user at pusher.
Nangyari ang barilan mismo sa bahay ni Sambaga kung saan napatay din ang kasamahan niyang si Rakib Morib.
Nakuha sa mga napaslang ang isang fragmentation grenade at isang .38 caliber na revolver, pati na rin ang ilang gramong shabu.
Samatala, sumuko naman ng mapayapa ang isa pang village councilor sa Barangay Lun Padidu ng puntahan ito ng mga awtoridad sa kanyang bahay.
Ang suspek na kinilalang si barangay councilor Rene Kamid ay nahulihan ng ilang gramo ng shabu at isang .45 na baril.