By BONITA L. ERMAC
ILIGAN CITY – Himalang nakaligtas ng buhay ang isang 23-anyos rito makaraang magtangka itong magpatiwakal kahapon sa pamamagitan ng pagtalon sa isang tulay sa Maria Cristina Falls.
Kinilala ni Mabeth Alcudia, Barangay Captain ng Ditucalan ang binata na si Dale “Batong” Dimitiman, isang construction worker na naninirahan sa Purok ng Sunflower sa parehong barangay.
Ani Alcudia tumalon si Dale sa isang 300 feet na tulay malapit sa tourist landmark at bumagsak ito sa mga bato.
Himalang hindi nagkalasog-lasog ang katawan ni Dale, bagkus nagtamo lamang ito ng mga gasgas.
Ayon kay Dale, na ngayon ay nagpapagaling sa Gregorio T. Lluch Memorial Hospital, nagawa raw niyang tumalon sa tulay sa sobrang sama ng loob sa kanyang lola na ayaw siyang payagan magpakasal sa sinisinta.
“Nagmahay ko sa akong lola, kay dili ko niya tugutan nga magminyo,” saad ni Dale sa interbyu nito sa RMN-DXIC.
Sa habag, nangako ang lola na papayagan na niyang mag-asawa ang apo.