by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Ang mister ko kapag nanunuod ng basketball, akala mo may sariling mundo! Hindi mo makausap, hindi mo maistorbo, akala mo kaibigan o kamag-anak niya yung mga basketball players! Kapag natalo team niya, malungkot, kapag nanalo, nagpapainom pa sa mga kaibigan! Mas matindi kapag last two minutes at mahigpit ang laban, akala mo may malaking pera na nakapusta! Bakit kayo ganyan mga lalake kapag nanunuod ng basketball?
Yolly ng Tondo
Hi Yolly,
Bakit kami ganun? WOW, makapagsalita kayong mga babae talaga! Eh kung nanunuod kayo ng teleserye, hindi ba ganun din kayo! Kapag nanunuod kayo ng Ang Probinsiyano, di’ba halos galit na galit kayo kay Alakdan! Patay na patay kayo kay Coco Martin aka Cardo! Kapag nanunuod kayo ng teleserye na nakakaiyak, umiiyak din kayo! Kapag may namatay sa teleserye, akala niyo namatayan din kayo! Kapag may nagkakahiwalay, naglolokohan, nag-aaway, akala niyo kapit-bahay niyo lang yung mga character sa teleserye! Kaya pwede ba, walang basagan ng trip! Hanggang dito na lang ang sagot ko dahil may laro ang Ginebra!
Hi Alex,
Madalas akong madaling araw kung umuwi at madalas din akong mabastos sa lugar namin. May tinatayo kasing bahay na malapit sa amin at madaming mga construction workers. Dalawang taon na akong binabastos ng mga construction workers na ito kapag umuuwi ako sa amin ng madaling araw. Hindi naman bastusin ang suot ko, naka-jacket at pantalon pa nga ako. Hindi naman sila lumalapit sa akin, puro salita lang ang pambabastos nila! Ano ba ang dapat kong gawin?
Eula ng Malate
Hi Eula,
Ang pambabastos ng isang babae, kahit saan, ay mali! Galit tayo sa mga lalakeng nambabastos! Pero ang pinagtataka ko lang, may construction workers sa inyo dahil may pinapatayong bahay na dalawang taon na! Bakit hindi pa rin natatapos ang bahay na ito? Naubusan ba ng pera? Ang tagal na kasi eh! Ano ba yan, mansion! Kasi kapag natapos na ang pagpapagawa ng bahay na yan, wala ng mambabastos sa’yo! Saka, iha, iwasan mo na rin ang pag-uwi ng madaling araw ha! Sumulat ka ulit kapag binabastos ka pa rin dahil kakausapin ko na ang may-ari ng pinapagawang bahay para tapusin na niya yang pinapagawang bahay sa lugar niyo!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007