By ROBERT R. REQUINTINA
Kung pagbabasehan ang larawan na naka-upload sa Instagram ng aktres na si Kylie Padilla, mukhang nagka-ayos na ang kanyang asawang si Aljur Abrenica at ang kanyang amang si Robin Padilla.
Kasama niya sa larawan ang kanyang asawa at ama kung saan pinagigitnaan sya nito na kuha mula sa kanilang family dinner base na ginanap nitong Sabado, February 17.
Naka-upload din ang nasabing larawan sa Instagram account ni Aljur na nilagyan nya ng caption: “Wala ng mas mahalaga pa sa pamilya at siyempre sa ngiting ngayon ko palang nakita mula sa mahal ko. Salamat po sa mainit na pagtanggap.”
Matatandaan na hindi pa rin kinikibo ni Robin si Aljur kahit na nagsilang na ang kanyang anak na si Kylie kay Alas Joaquin sa dahilang hindi pa sila nagpapakasal.
Sa interview kay Aljur sa “Tonight With Boy Abunda” nitong Enero, sinabi niyang nag-uusap na silang dalawa ni Kylie tungkol sa kasal alang-alang kay Alas.
“Hindi ko masasabi na s’ya (Kylie) ‘yung may ayaw eh or nag-aalangan. Kasi kapag napapag-usapan namin, laging nauuwi sa prioridad. Ang prioridad naman ay si Alas,” ayon kay Aljur.
Dagdag pa ni Aljur: “Mahal ko si Kylie. Walang pag-aalinangan doon kaya kung ano man ang mangyari, kasal man yan or ano. Handa ako dyan. At meron kaming nae-envision na kasal eh. So hanggang doon lang muna as much as possible. Kaya hindi ko s’ya fully masagot eh.”
“Sa sinabi po ni Tito Robin, naiintindihan ko po yun. Kahit na sino namang tatay, ganun ang sasabihin. Even my dad, pinagsabihan ako nung napanood yun, sabi nya, ‘Anak tatay pa rin yan. Ang gusto pa rin n’ya ay pinakamaganda para sa anak n’ya which is magkaroon ng isang pamilya. Yung kasal.”
“Kami naman, me and Kylie, pinag uusapan na rin namin yan. We are taking our decisions step by step. Pero ang masasabi ko lang, sa hangarin ni Tito Robin ay lahat ng desisyon na gagawin namin ni Kylie ay para sa anak naming si Alas. And I think that’s the best for our son yung magiging decision namin,” ayon kay Aljur.